Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 12, 2007

TATLONG TULA NI TATA

Ako’y Bulag na Makita ang Sariling Pakpak

Walang paruparong nakakita sa magandang kulay
Ng kaniyang pakpak,
At hindi niya alam kung alin
Ang may pinakamatamis
Na nektar ng bulaklak.
Dahil kung alam niya ang kulay,
Hindi siya lalapit sa mga harding may bitag
Para mabihag ang kaniyang kulay
At ang bulaklak lamang na pinakamatamis
Ang kaniyang hahagkan.

Tulad ko,
Animo’y anino ng paruparong laging lumilipad
At ipinagtatanong ang kulay
Ng tubig, himpapawid, bundok, lungsod at awit ng pag-ibig.
Dahil ni ang sarili ko ay hindi maaninaw sa alinmang
Pinakamalinaw na kristal na tinapyas sa sahig ng langit.

Wala akong pang-amoy
Sa bango ng kalikasan,
Sa harding sambunton ang pinakamabangong halimuyak
At ang bango ng katawang lastag
Na sa akin ay umaakit sa buong magdamag.

Katulad ko’y paruparong walang tigil ang pakpak
sa paglipad nang mataas,
Umiiyak,
Naghahanap
Nang lilingap.

HULING BALADA NI NINGNING
(kay Ma. Luisa M. Marcelo)

Nasaan ka mahal at ikaw’y lumisan?
Iniwang luhaan ang luksang lunggati,
Namusyaw ang talang ating tinitingnan;
Gumuhong pangarap ang ginawang moog.
Ninais kong hagkan ang iyong libingan,
Iluha ang lahat sa araw at gabi;
Nawa ay malimot sa dako pa roon
Guhit ng tadhana’t nawalang luningning.

HANGIN ANG GUMISING SA AKIN

Ginising ni Hangin ang diwang naidlip,
Ibinulong niya na merong pahatid;
Ang Anak ng Along minsang nakaniig:
“Kelan ka dadalaw kay Mata ng Tubig?”

Alaalang biglang pumukaw ng tulog,
Noong ang puso ko’y di pa nilulunod;
Ni Kabunggong Along matindi ang selos
Kaya ang kalma ko’y inanod ng agos.

Kaibigang Hangin maraming salamat,
Pakibulong mo ring hindi magluluwat;
Nagpapahilom lang ng sugat ang pakpak
Siya’y liliparin upang makayakap.

Sabihing sindihan parilong sa laot,
Upang mabanaag ang kulot n’yang anlog.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: