Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 11, 2007

IBON

Ikalimang araw ng Siya’y maglalang,
At winika Niyang: “Bukalan ng tubig
At ng gumagalaw na kinapal, buhay
Na ibong lilipad sa buong paligid.”

Mula nang bumaha’t ang Arko’y sumadsad,
Kalapating puti’y sabik inutusang
Paghupa ng dagat tantusin ang lawak;
Bumalik kay Noah, may dahong lungtian.

Sigabo ng hangi’y bumukas ang bagwis,
Upang maikampay ang sabik na pakpak;
Nitong kambal ibong nangagsisiawit
Na sinasalunga ay ang bagong palad.

Nanganlong sa lungki kapagka may sigwa,
Mandagit ng isda’t manalbos ng uod;
Kapag nagugutom at pagal ang hinga
Titimtim ng tubig sa bulang bulaod.

Lahat na maabot ng kanilang lipad,
Hinahong panaho’y dadapo sa hulo;
Upang mangundayaw sa bawat niliyag
Ang pugad ay puno ng kiting maamo.

Lansaka’t salimbay ang bilis-bulusok,
Nitong laksang ibong kay-ganda ng kulay;
May misyong itukaw kung ano ang utos
Nitong Amang Siyang natanging lumalang.

Ang tinis ng maya’y sa simbaha’t bukid
Natin maririnig. Waring nagdarasal.
Na nawa’y kumapal at di mahulabid
Ang naninikluhod nating mamamayan.

Ang huni ng tarat ay may ibinadyang
Haplos ng tag-init. Tarundon ng ilat
Laging natitigang sa salatang dala,
Kaya ang araro’y bangkiking inamag.

Ang dayaw-gilaplap ng tigmamanukin,
Ay takot-pumukaw pag may nakikitang
Isang mahiwagang mahirap tarulin
Ang lagim na dala ng salikwang sigwa.

Ang kahalintulad ay agilang sunsong,
Sa tuwing kakakak may balitang hatid;
Amiha’t habagat ay dumadaluyong
Sinasalimbukay itong himpapawid.

Ang luksang sabukot kalahi ng uwak,
Laging hinihimay ay patay at bunggan;
Mahusay mangamoy sa gubat at dagat
Kaya nabansagang ibong naglalamay.

Ang bakaw na tika tuwina’t lilitaw
Sa patutong baklad. Isang pangitaing
Madawi ang pusag ng isda’t iigpaw
Sa pusod ng kural ng liling at tangkil.

Dilaw na kilyawa’y lipad walang taros,
May tagong giyaot at gustong mapali
Ng barakong tabil na huni’y may libog;
At ang hinahanap ay ang katunggali.

Katulad ay pipit na may batik puso
Sa pitso ng dibdib, matinis ang paswit
At palukso-luksong waring sinusuyo;
Itong sinisintang tanging iniibig.

Labuyong mailap kapag tumilaok,
Giri’t kinakati itong dumalagang
Laging pumuputak at gustong mangitlog;
Kubabaw nang nasa’y hindi sumasala.

Itong hingkakayog ay sayaw nang sayaw
Sa batong malapad, sa dunggot at wawa,
Ang huni’y turumbang nagpapaligsahan
At gustong magaya ang ada’t diwata.

Ang pugo at tikling bihirang lumipad,
Palakad maghanap nitong makakain
Sa lungking masanaw at gubat madawag;
Ito’y natutulog na ang diwa’y gising.

Ang matang bayani’y katinig ng k’wago,
Sa gabing pusikit. Ito’y nagmamanman.
Ang pitada’y waho kung may mangangasong
Ang kurilong leting ang silong pang-umang.

Ang hindi mabilang sa daliring ibon
Ng aking gunita’y aking hinahanap…
Saan nangagtago? Saan nangagkanlong
Ang huni’t pagaspas ng bagwis paglipad?

Wala nang marinig ang apo kong munti,
Na paswitang himig ng ibong kay-ganda;
Kundi mga k’wento na aking hinabi
At sadyang naganap sa bayan kong sinta.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: