Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 10, 2007

Tula ni Tata

ANG TAO SA MUNDO
“Kung sa iyong pagdating,
sinalubong nang ngiti
at may pakitang giliw;
pakaasahan lagi
at kaaway na lihim.”

May sintang papuring animo’y kapatid,
Halos idambana sa altar ng dibdib;
Sana’y isa-isip makapitong beses
Sila ba’y totoo o hidhid at ganid?

‘Di maikailang ang buhay sa lupa,
Pulos balatkayong lipana’t sagana;
Lalo’t mahuhuthot ang kanyang kapuwa’y
Tupang pagkaamo pagsamba’y dakila.

Santong ihuhunta lahat nang makutkot,
Ubod raw nang bait dapat ipagbantog;
Sa kanya’y nagbigay ng unan at kumot
At minsa’y sa kutson siya natutulog.

Sa umaga’t hapon may ngiting mumulas,
Kapagka nalagyan ang bukot ng bigas;
Higit kung may datong makapal at limpak
Utusa’y susunod tumalon sa dagat.

Sa anu’t anumang biyayang nakuha,
Laging ngumingiti ang hilang pag-asa;
Subalit sakaling matapyas ang nasa’y
Lipos mong asahang babaling sa iba.

Talak na salita ang ibabahagi,
Kaut-utang dila’y laging sinasabing
Huwag iinuhin, huwag dadaiti;
Sa nahuhuthutang kaibigang dati.

Huwag italikwas ikiling ang ulo,
Unang sawikaing laging bumabando;
Ngiting tampalasa’t tawang ‘di totoo’y
Kaaway mong lihim pag-ikot ng mundo.

DALIT SA ISLA NG TALIM
(Ang lugar na pinamiwasan ni Gat Jose Rizal)

Raul Funilas

Halina kayo sa amin,
Dito sa pulo ng Talim;
Maranasa’t tamasahin
Ang paghimay ng ayungin.

Dito’y matayog ang bundok
Ng Susong Dalagang irog,
Sa lawang Lagunang pusod;
Ang isda’y nagkakaribok.

Ang lawa nami’y malinaw,
Bahagharing balantukan
Ang dito ay nagbabantay
Sa buhawing tampalasan.

Ang sigwang hanging habagat,
Amihan, timog, sabalas,
Salatan at hibas-lakas;
Naglipana’t umaangkas.

Dito ay nag-aawitan,
Sari-saring ibong ligaw,
Pagatpat, langaylangayan;
Tigmamanuki’t kilyawan.

Ang alon dito’y malikot,
Sa wawa ay humihilod;
At kung minsa’y nananalpok
Sa libag na umaanod.

May waterliling nagkalat,
Parang orkidya’ng bulaklak;
Taguan ng hipo’t dalag
Gumigimbol ang pag-indak.

Saginsin din utintikiw,
Yupyupan ng ibonsisiw;
Bukirin kung lumaginlin
Sa lawa kong tumatabsing.

Natitimbon kutong-bwaya,
Sa lambaking naglilila;
Ang duhol ay nagigitla
Sa kalabukab na dala.

Lihiya ay nagbiberde,
At taliptip na makati;
Lumot ay anyong bigote’t
Ang banlik ay nasa kati.

Sumusuba’y Maninibog,
May tikin pang panibulos;
At parilong na panlaot
Pinadadalit ang tulos.

May huran ang Mananakag,
Sinusuro’y isdampusag;
Sa digmana’t laksang sintas
Pang-abdong gutom sa anak.

Taga Talim ay magiliw
Sa dadayong panauhin,
Tiyak kayo ay titikim;
Lutong bigay ng damdamin.

Kaya kayo ay halina,
Dito sa kay-gandang isla;
Ayon sa lumang historya
Si Rizal ay nakapunta.

PULONG HUGIS BALARAW SA LAWA NG LAGUNA: ANG ISLA NG TALIM

Bi
ya
ya
at
Po
lus
yon.

Pulo ng Talim


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: