Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 10, 2007

MGA TULA SA PULO NG TALIM

KUNG SAID NA ANG LAWA NG LAGUNA

Harangan mo at sagkaan buong igting mong pigilan
Ang lawa mong unti-unting pinapatay nang tuluyan
Ang anlog mo at ang alon pati na ang pagaspasan
Matutuyo’t di gugulong wala na ngang lalakbayan
Simula nang tampalasin ang lawa mong minamahal
Nitong hunghang nandayuhang nagkamal ng laksang yaman

Taghuyan ang bahaghari ang amihan at habagat
Manghiram ka kahit konting natitira nilang lakas
Upang ito’y mapigilan magpatuloy pagtingkayad
Pagkat kaming mga taal dito kami magwawakas
Ng buhay naming sinimpan tanglawan ang aming landas
Hanggang doon sa balugbog ng Tagapong* nililiyag

Harangan mo ang sambuntong hilahil ng pagdurusa
Isaboy ang mga burak sa mga nagsamantala
Hirangin mo yaong isdang may matulis na panangga
Pagbantayin sa sasamlang tusukin ang mga paa
Pulanditan pa ng linab mga matang nagbabaga
Upang muling maka-igpaw ang nalupog na hininga

Kung said na ang lawa mong dati’y kalmante’t matining
Saan kami ipapadpad ng lunday sa paninikin
Ang pisig kong panibulos ibubural sa laginlin
Ragasa ng mga agos itinaboy nitong hanging
Sabalas at ng amihang daluyong sa papawirin
Wala na nga! wala na ngang lunas itong pagkakitil

Papatakin yaong tubig na natirang kinakadlo
Haluan mo nitong bubog sa mata mo’y tumutulo
Kung sakaling ang lawa mo’y masasaid matutuyo
Padadaluyin mo’y apoy nagbabagang parang dugo
Alisin mo ang bungkalo’t paglandasi’y kumukulong
Tinggang may bahid ng lason sa tampalasa’y gugupo.

*Bundok sa isla ng Talim na ngayo’y Susong Dalaga.

PANALANGIN NG MGA TAGA PULO NG TALIM

Sa kagalang-galangang Amal at Ayel nang matining at kalmanteng lawa
Ang kabanal-banalang halimuyak ng insensong simoy ng sariwang hangin ay sumainyo
At ang pagpapala ng bathala ng kalawaan ay biyabitin ninyong may kaluguran
Isinasamong ang mga darating na lahing manggagaling sa lawang minahal ay
pagpapalain
Amen…

Luwalhati sa kalugud-lugod na Amal at Ayel na siyang humahawak ng kapalaran sa lawa
Luwalhati sa ama, sa ina, sa anak at sa espiritung lumulukob sa lawa
Luwalhati sa kataas-taasang balantukan ng pinakamakulay na bahaghari sa lawa
Luwalhati sa sinapupunang nagluluwal at nagbibigay ng mga biyayang ikinabubuhay sa lawa

Luwalhati sa katayug-tayugang bundok ng Tagapo na animo’y Birheng nakahiga sa gitna ng lawa
Luwalhati kay Lakantagkang siyang nanguna sa liping kanluranin sa gawing kaliwa ng lawa
Luwalhati kay Gatsalyan Magintong pinuno ng mga taga silanganing bulubundukin ng lawa
Luwalhati sa kaban ng hugis balaraw na pulo
Ang islang pinagbaunan ng kasaysayan ng maalamat na lawa

Sa kagalang-galangang Amal at Ayel nang matining at kalmanteng lawa
Ang kabanal-banalang halimuyak ng insensong simoy ng sariwang hangin ay sumainyo
At ang pagpapala ng bathala ng kalawaan ay biyabitin ninyong may kaluguran
Isinasamong ang mga dadating na lahing manggagaling sa lawang minahal ay pagpapalain
Amen…

Tulungan mo kaming mapanumbalik ang linaw at tining ng aming nagiging kayumangging lawa
Tulungan mo kaming mapaburabok na muli ang mga namamagaspas na nagluluwal ng kiti sa lawa
Tulungan mo kaming banlawan ng ulang kandong ng naglipanang alapaap sa papawirin ang lumilibag at nagdadahulap na lawa
Tulungan mo kaming mapanumbalik ang ragasa at mga rumbo ng agos sa tumitiyad at kuluting lawa
Tulungan mo kaming haplusin nawa ng mga hanging habagat, amihan, sabalas, manuwid, salatan, salikwa at timugan ang lawa

Sa kagalang-galangang Amal at Ayel ng matining at kalmanteng lawa
Ang kabanal-banalang bathala ng kalawaan ay biyabitin ninyong may kaluguran
Isinasamong ang mga darating na lahing manggagaling sa lawang minahal ay pagpapalain
Amen…

Iadya mo kami sa mga ipuipo, buhawi at uli-uling dumadaluyong sa kapusuran ng lawa
Iadya mo kami sa mga bagyong sumasalasang nananalanta sa mga naninigilan sa lungki at dunggot ng lawa
Iadya mo kami sa mga makabagong makinang lumiliglig na maligalig at kumakalahig sa anit ng aming lawa
Iadya mo kami sa sigwada’t kasamlangang dala ng mga migranteng may mga lisyang hangaring apungutin ang mahal na lawa

Sa inyo namin ihinahabilin ang kapalaran ng aming lawa
Papaghilumin ninyo ang sugat ng kaniyang kapusuran
Alisin ninyo ang ngimay at mitig na sa kaniya’y nakadagan
Upang muling makapanimbol
Upang muling makapagtampisaw
Upang muling ngumiti ang mga umid na labi
Ng mga naninirahan sa hugis balaraw na pulo
Ang isla ng Talim
Amen…

*Amal……..Amang Lawa
*Ayel………Inang Lawa

ANG HABILIN

Minsa’y sumalunga umahon ng bundok kasama si lelong
Kami’y magtatanim sari-saring puno’t mga bungang kahoy
Ang bilin sa aki’y ako ang babantay ako’ng magtatanggol
Kung sakaling ito’y kukunin nang iba’t may maglilimayon

Ang hunta pa niya’y di na mauubos kahit habang buhay
Sa dami ng tanim na hile-hilera sa bundok at parang
Kahit daantaon pansarili lamang iyong ibubuwal
Hindi matatapyas, hindi mapapanot aming kabundukan

Naging kasawili sa lawa pagsisid pag-umang ng lambat
Buntunghininga ko’y di kayang tagalan sa dami ng pusag
May talon pang labis sa gawing uluna’t igpaw pasalapsap
Sa dami ng isda’y ang mahal kong lelong napapakalatak

Di na mauubos ang isda sa lawa’t inyong pagyamanin
Laging sinasambit paulit-ulit pa ang kanyang habilin
Huwag hahayaang ang ganggadaliri dito ay makitil
Kunin lamang ninyo’y pang-abdon sa buhay para may makain

Ligaw na bulaklak hayaang lumago sa parang at gubat
Pabayaan ninyong sumabog ang bangong humahalimuyak
Pang-alis ng pagod sa maghapong pagal magdamag na hirap
Nitong Mangingisdang gustong makaahon sa lapot ng burak

Ang damong kawayan inyong pagulanging taga sa panahon
Upang ang sumalit malaki’t mabulto pag-usbong ng labong
Ito’y ipangbangkis sa bahay o balsa at gawing palangoy
Lambal nitong lunday papag na kawaya’t duyang umuugoy

Kawan-kawang ibo’y hayaang dumapo’t magpalipad-lipad
Paghanap ng kanyang pagkain maghapon at makapamugad
Sila’y nagsisilbing taga-awit nitong dalit na matimyas
Mga tagahanga’y binata’t dalagang pag-ibig ay wagas

Ang mga talampas burol at dahilig h‘wag ninyong sasaktan
Batong malalapad pipigili’y baha pagpatak ng ulan
Mga punongkahoy ugat ang sasala sa bubog na kristal
Sasadlak sa lawang animo’y diamante ang tining at linaw

Ang tubig sa lawa huwag hahayaang dumumi’t kumupas
Laging sansalain ang lulusong ditong may labit na libag
Tangad na inumin dito’y kinukuha maghapo’t magdamag
May pinong mineral humahakab dito na nagpapasarap

At ang kabuuan sa isla ng Talim ang huling habilin
Sa dadapong tunggak pansarili lamang ang tanging layunin
Itaas ang kilay kamay ay iharang huwag patuluyin
Aking pahimakas tanging atin lamang ang islang magiting.

UNANG LANGIB NG TUBIG

…Saan? Saan? Saan?
Walang nagbabadya! Walang bumubulong…Bakit? Bakit?
Ako bang hinamit sa rumbo ng alo’y merong di naarok?
O, baga’y sa lawa nagtarak ng bural kinahig ang anit?
Kaya ang lawa ay namatay na lamang sa pagbuburabok?

Saksi ko ang buwan buntala’t Santelmong anak nitong langit,
Kasalanan ko bang ako’y nakiligo sa dalampasigan at dito’y nagbantod?
Mahaplos ang lawang may talulot na apoy at aking mabatid
Na di matangaran ng inuming tubig dito’y bumabalong.

Ang lalim ng sugat bumaon sa kanya’y gusto kong tarulin,
Na dulot ng mga suwail sa lawang sa kanya’y tumusok;
Na di nasagkaan ng mga kasamang may lisyang masanting,
Sa paniniwalang buktot na pangako ay makakaahon
Sa tamis ng dilang nag-anas ng bulong doo’y nangunyapit.

Kasalanan ko ba?
Kayo ay sumagot!
Bakit?
Bakit naglalangib
Ang tangaring tubig?
Ako’y nagtatanong…
Kayo ay sumagot!

Ang aking sarili’y di ko na binatid kung meron pang bikas,
Ang tanging adhika’y malunasan lahat ang kigkig kalambre
Kaligkig ng lawang halos maghingalo sa dulot ng sukab;
Saan magtitimbol at magtatampisaw paslit na marami?

Saan pa lalangoy ang kiti ng isdang lupog na ang ngasab?
Kung nararamdaman ang pamamagaspas saan magkukubli?
Saan pa hihimlay kung pagod maglunoy maghapong pagkawag?
Walang susulingan ang kawawang laman ng lawang inapi.

Pagkat ikaw!
Kayo!
Tayo ang may sala sa pagdadahulap.
Saan?
Saan?
Saan?
Walang nagbabadya!
Walang bumubulong…
Wala na ang along dito’y nahulabid
Sa aboy ng hanging malamyos ang simoy,
Wala na!
Wala na!
Ako’y nabibikig,
Sa pangungulilang sa puso’y kinalong,
Ang kalawaan ko’y saan na lilibid?

PITONG PAGPAPALA NG DIYOS SA ISLA NG TALIM

Pinipintuho kong bayan ay paalam
Ihahabilin ko’y ang Isla ng Talim
Kalaro’t kapiling ang ningas ng araw
Sa dakong kaliwa ng inyong paningin

Kay ama nabatid itong inang lawa
Nang minsang mamasyal at kami’y mamiwas
Ito’y paraisong Diyos ang nagpala
Kaya’t iaalay itong pahimakas

Ang bataw na kasko’y minsang pumalaot
Sa pusod ng lawa ay magliliwaliw
Kalmante ang alon hangi’y humahaplos
Lili’y umaanod sa kanlungang tikiw

Ang igpaw ng dalag karpa at kanduli
Aking namamasid sa tulin ng agos
Hanging dumadapyo animo’y tambuling
Hugong ay may sigid sa tagdan na tulos

Akin ding natanaw ang lungtiang bundok
Hugis ay dalagang ang buhok ay lugay
Hagod ko nang tingin ang kanyang balugbog
Sa dakong aplaya may taob na lunday

Nasaksihan ko rin pag-umang ng lambat
Mga mangingitang at ang mamumukot
Gumaltang sa pataw sima ay kinagat
May ngiti sa labing pusag ay sinalok

Ang kampay ng sagwan sa kuluting alon
Tangad ay inuming sisidla’y tapayan
Upang ipantighaw sa umaga’t hapon
Pawis ng matandang amang nag-uumang

Pagdaong sa wawa at dalampasigan
At helehilera sa isang prusisyon
Panatang mangindak hanggang sa simbahan
Hiling na dalangi’y ligaya ang hantong

Ang lupa sa Talim ubod nang lalapad
Sa ingkating bundok taniman ng gulay
Laruan ng bata kanyang mga patag
Ang kanyang magulang nagsisilbing gabay

Sapat na ang tanim sa kalam ng anak
Mayroon pang bitbit pantinda sa bayan
Nanggaling sa isla sa balag kinalap
Lalago ang subi masayang tahanan

Ang tirahan nila’y munti man at dampa
Dito’y walang bayad sa pangungupahan
Ito’y mga mana kay Amba at Inda
Pawang pag-apupa kanilang puhunan

Ang tikang regaton sunong ang bilao
Magkabilang kamay labit nila’y bakol
Sila’y maglalako kabilang ibayo
Gaod sa pagsagwan sa lawang may biloy

Saginsin ang ngiti upang ipapakyaw
Dala-dalang tinda gasa ng kalsada
O, kaya’y dumalit ng isang palahaw
Upang mamamakyaw lako ay mapuna

Kanilang kauli’y kawaya’y niyasyas
Hihimulmulan at sasalitsalitin
Galing sa paghugis sa mga kayakas
Kanyang malilikha’y basket at ang kaing

Ang paghalipuypoy mga taong gala
Sa pamimintana’y hindi kumukurap
Balahibong kulag ayaw magpadakma
Ang kanyang pagsisid pawang pasalapsap

Huwaran ang lahi usbong nitong Isla
Saludsod ng paa’y hindi maririnig
Sa paghahayuma’y lawa’y kumakalma
Mga mapakai’y hindi nabibitig.

Di ako hinamit di rin ako sakre
Ang mga akda ko’y aking ihahandog
Pabubulwakin pa upang di mag-ite
Ang Isla ng Talim tuloy ang pagbantog

Sa aking paglisa’t galtangin ang buhay
O, Inang Bayan ko sinamlang ng buhong
Ang pataw ng pukot iyong iagapay
Inang lawang mahal doon ay magtimbol

ANG SARIWANG HANGIN huwag hahayaang
Balahurang amoy dito mahulabid
Pamundo’y haklitin inyong ipadukwang
Upang ang kanaway tuloy ang pagdagit

TUBIG NA SAGANA at kulay dalisay
Huwag pahaluan nitong mga banlik
Sa inyong pagkadlo’y makapagtampisaw
Ang batang batuhang pawang may hagikhik

AT ANG LUPAIN NG MALAYANG LARUAN
Hanggang sa balugbog ng Susong Dalaga
Itunhay ang bural gahak ay dahitan
At mga patuto baklad ng pag-asa

LIBRENG MGA TALBOS AT ISDANG PANG-ULAM
Inyong didiligin at patatabain
At ng maging linab sa mangkok gagapang
At ang pagdighay mo’y maging lundong hapin

MAY MGA TIRAHANG DI INUUPAHAN
Tigas ng mulawin ang mga haligi
Sinasag ng puthaw dingding na kawayan
Tulong bayanihan ang magkukumpare

AT PANGKABUHAYAN SA GILID NG BAHAY
Tulong tulong silang huhukay ng balon
Upang ipansaboy balag na makulay
Anak na sisibol merong edukasyon

LIGTAS KA SA TUTOK DULO NITONG BARIL
Ng mga migranteng budhi’y mapupusok
Walang inaasam kundi ang magtaksil
Sa mga dadatnang kimi’t mga takot

Iyan ang habilin sa ‘yo Inang Lawa
Ibando’t ipaskel aking mga bulong
Mabasa’t malaman mga pagpapala
Nitong mga anak na nakikikanlong

Saan man mautas ay di kailangan
Lupa’y asarulin at inyong ikalat
Alabok ng aking latag ay bayaang
Sa Isla ng Talim mayroong magmulat

Pitong pagpapala sa ’kin ibinilin
Sumigid sa tengang wari’y nabibingi
Diyos na Lumikha ako’y dumalangin
Bigyan pa nang tatag ang aking sarili

Kung masisilayan ang tirik ng araw
Kay amang kuwento sa isla ng Talim
Aking ihahandog ang iwi kong buhay
Huwag paabutan nitong takipsilim

Ako’y lalagutan hiram na hininga
Ng lilong dayuhang sobrang mapaniil
Ang mangaglalayag tigib ng balisa
Mangaghihikbiang hinga’y malalalim

Huwag kang tumangis Talim kong minahal
Ang akda kong aklat sa iyo’y tumuntong
Kay Simoun nanago sa Fili’y hinimay
Cubierta’t Alamat ikaw ay nanaknong

Pagtimo ng tingga sa dibdib ko bayan
Ako’y mag-iiwan ng isang pananda
Sasagisag ako sa hawak n’yong sagwan
Kikilalanin kang pitong pagpapala

Kakalat ang bulong at mga dalangin
Hihilod ang alon lilinaw ang bubog
Sa wawang kayganda animo’y salamin
Ang bukang liwayway dito’y iimbulog.

KASAYSAYAN SA PULONG TALIM

Kayo ay makinig sa aking salaysay huwag kalimutang
Ipunla sa isip itago sa diwa’t isang kasaysayan
Kung anong alamat umangkas sa Talim islang sinilangan
Magandang pamana sisibol na lahing may antigong dangal

Sumabog ang bulkan may milyong taon na ang nakakalipas
Ang nunal sa lawang animo’y balaraw ang hugis at bikas
Sumilang ay bundok lawang parang bubog may puno sa gubat
Animo’y babaeng natutulog lamang ang naging katulad

Lugay yaong buhok makurba ang dibdib Birhen ang kawangis
Nang isla ng Talim na ubod ng ganda walang kasing rikit
Lahat ay humanga pati na si Rizal dito ay namingwit
Tumuntong ang sakong umakda ng kwento’t humimig ng dalit

Lagalag na ibon labit ay ang buto namasyal sa pulo
Ligaw na halaman magagandang klase nanggaling sa puno
Sa gubat bumagsak sumibol na kusa at biglang lumago
Ang naging karikta’y lalong hinangaan sa isla’y sumuno

Sari-saring hayop naingganyong masdan gustong magliwaliw
Sasakyan ay liling iinda-indayog sa along kulutin
Aahon sa gubat mga maglalaro at manginginain
Sa pulo hihimpil kapagka inabot nitong takipsilim

Lalo pang tumingkad ang ganda ng pulong may aliw at ganyak
Ngunit di marating kapagka maalon ang hangi’y mailap
Sigwadang amihan daluyong buhawi’t langkay ng habagat
Ang mamumutawi’y sayang, sayang, sayang ang mga pangarap

Bago pa yumapak ang mga dayuhan sa ating lupain
Gatsalyan Maginto sa gawing silangan ang Lakang magiting
Lakantagkan naman sa gawing kanluran regulo ng Talim
Sila ang pinunong namumugad ditong napakagigiliw

Sumabog ang lahi ng dalawang lipi bundok kaparangan
Hanggang sa narating ang malayong pulo na hugis balaraw
Buhay ay tahimik malaya sa lahat nang kilos at galaw
Sumibol ang isang pulutong ng taong may kulturang taglay

Meron ding nagtimbol namalsa’t nanudlong galing Kumintangin
Yaong gumagawa mga alingasngas may lisyang usapin
Manggabot mang-umit sumagot pabalang ang tawag ay sutil
Kaya nahihiya’t nagkakanlong sila sa isla ng Talim

Hanggang nangawiling mamuhay tahimik sa nunal na lawa
Sila’y umangkop sa kulturang labit ng aming Amba’t Inda
Hanggang naka-ibig sa dalagang lawang matatalinghagang
Mangusap bumigkas ng duplong tugunan at dalit patula

Isa pang sumakay naghasik ng lahi’y nanggaling timugan
Si Juan Salcedong apo ni Legaspi sa Lampon dumatal
Bikol at Bisayang kasamang tumuntong nagsisilbing bantay
Nilusob sinakop walang nangagawa kanilang dinatnan

Ang apat na lahing yumapak sa Talim sila ang simula
Upang magsidami pulutong ng kawan sa pasigang wawa
At kanugnog lugar na naninirahan sa lungki ng lawa
Pawang may ugaling mabait masipag may dugong marangya

Dito’y sumilong din piratang Limahong at ang kanyang pangkat
Naghasik nang lagim mapuntahang lugar sa bayang nagkalat
Ang mga simbahang tinayong matatag sila ang nagsilab
Hanggang sa nag-alsa lumabang matapang tagalog na basak

Hari ng Kambodya minsa’y naligaw din sa Kinabutasan
Nang siya’y mamasyal Kabiserang Morong La Lagunang bayan
Natanaw ang islang may putong na bundok siya’y napasigaw
Paghanga’y namulas sa labing dayuhan na may dugong bughaw

Kaniyang tinanong kung ano ang ngalan ng islang kayganda
Panay mga ngiti may kasamang kirong sa kanya ay badya
Ang tanging tandai’y matayog na bundok ay Susong Dalaga
Ang bawat lambaki’y di po namin batid Hari ng Kambodya

Ang di nila alam ang bawat lambakin ay merong alamat
Kung saan nanggaling pangalan ng nayon dito ay lumangkap
Simula sa dulo nitong Bayang-Subay katabi’y Nabotas
Ating bulatlatin dahon ng pahina nitong aking aklat

Subalit hiling ko sa mga babasa inyo pong isipin
Ang aking inakda isang pagtatala sa islang gupiling
Mabantad sa mata malagay sa utak na ang pulong Talim
Isang kasaysayang kahit magdelubyo’y hindi magmamaliw

Yaong nasa dulo ang Kinabutasan ngayon ay Nabotas
Pagkat itong isla ay dito naputol agos bumabagtas
Lusutan ng bangkang paroo’t parito daan paglalayag
Mga mangingisdang langkay-langkay silang dito naglalandas

Itong Bayang-Subay ayon sa bulunga’y galing sa tugaygay
Gumawa ng lisya ay tinitiktikan Kastilang dayuhan
Kapagka nakita’y harangin at dakpin hatulang mahusay
O, bigyang katumbas ang kanyang ginawang mga kasalanan

Pinalad na maging isang bagong pulas lugar ng panata
Paghingi ng tulong luluhod dadasal dito nagpipita
Tawag ay Kasile ang baliteng puno na ubod nang ganda
Pang-alis ng pagod ginhawa sa lilim pag nagpapahinga

Sa dalawang lungki gitna’y munting bundok batis ay maugong
Tanim na kawayan nangaglalawiswisan sa hanging masimoy
Hilig sa musika ng mga napadpad iningata’y labong
Himig ng dalit mo’y sasaliwan nitong musikong Bombong

Ang burol at bundok na kulay ay itim ang palatandaan
Wari mo’y inuka’t tinibag ng isang malaking halimaw
May tanda ng kagat matibay na moog sintibay ng bakal
Masdang malapitan ang ukang nabanggit parang Kinagatan

Kelan lang lumuwal sityong umuunlad sa sipag at t’yaga
Hinango sa isang ulirang babae ang ngalan ay Pita
Aapat na bahay na siyang antigong dito’y nagsimula
Hanggang sa lumago lumawak umunlad ang sityo Kaypita

Mandirigmang Baug sa silangang lugar na isang kasanat
Anak na si Boog na pinsan ni Bang-ad siya ri’y nagtatak
Magaling mangaso lumangoy mangisda umakyat nang gubat
Ang Kinaboogan kinilalang tunay sa kanyang inambag

Ang isang napadpad mula din sa lahi Gatsalyan Maginto
Dumanas ng mga batbat kalungkutan at mga siphayo
Nang minsang umibig sa dalagang lawa at ito’y mabigo
Si Bang-ad ay naging isang mandirigmang may dalang palaso

Ang agos nang bundok sa tuwing darating panahong tag-ulan
Kasama’y Buhangin ang dumadausdos sa may kaparangan
Simpino ng ginto siyang tumitining sa bubog na kristal
Lawa’y sumasarap inuming sagana sa mga mineral

Migranteng Janosa h‘wag pasubalian ang kanyang alamat
Bagama’t banyaga sa isla ng Talim siya ay sumikat
Siya ang dahilan pirata’y napigil sa pangungulimbat
Labit ay ang tapang galing sa ninunong may prinsipyong basak

May isang matandang aayaw umalis sa dunggot na munti
Ang ngalan Kaytome ulila nang lubos walang pang kauli
Masipag mabait walang sinisino kahit maaglahi
Ang tulong ay galing sa pusong mairog sayang at nasawi

Sa may papaahon makikita’y Gulod talampas kay lalim
Subalit natamnan malalaking bato bahay na malilim
Mahirap sumalok lalo’t nauuhaw tubig tatangarin
Sa lawang kay-linaw kapag nainom na ay sulit na sulit

Sa may munting yungib Sapang kaparangan maraming bulaklak
May katmon katleya mga kabalyerong dito’y naglangkawas
Pag bukang liwayway ang dapyo ng hangi’y humahalimuyak
May sigid ng bangong inyong makakamit titimo sa utak

Malakaban tipan napakahalaga sa aklat na banal
Dito’y mababasa lahat nang ginawa na mabuting aral
Ng Haring tibubos tumubos sa ating mga kasalanan
Parang ng Tagapo kumalat sumabog magagandang asal

Dahilig ng bundok sari-saring tanim ng magkakaingin
May gulay at prutas mga luyang dilaw para sa lutuin
Ginata sa niyog na Pinagdilawan biya o ayungin
Bundat at hurindat matapos na ikaw’y maraming kinain

May isang lalaking magiting magilas minsa’y may niligaw
Na dalagang lawa dahilig nang bundok kanilang tirahan
Ginagawang lahat para s’ya maibig ng dalagang hirang
Hanggang sa makamit tagumpay na mithi nang Ginoong Sanay

Pagsapit nang hapon lulubog ang araw pagtatakipsilim
Kanya kanyang lugar sari-saring ibon pati na ang matsing
Malalim na Sapa tangkal ng kanilang mga pagkahimbing
Hudyat ng labuyo sa madaling araw kanila’y gigising

Mag-asawang bato sa may munting lambak mainit ang agos
Nangagtutugpahan kawan at pulutong sari-saring hayop
Mga mangangaso Binitagan nila’t sila’y magiimpok
Karneng lalapai’y tapang idadarang sa maasong usok

Minsa’y may nagtangkang maglayag sa isla hanap ay ang ibon
Na namumugad pa sa duluhang lungki sa hulong may burol
Kalahi ng Kuling mahaba ang leeg mag-asawang Tabon
Si Majulpedanra Lakantagkang bunso prinsipyo’y nahamon

Kasama ang nobyang si Emmaparomi nanudlong sa lawa
Kabilin-bilinan ng Ama at Ina’y hindi alintana
Huwag gilaplapin mag-asawang Tabon na nangamimisa
Nang itlog sa pugad winalang halaga’t kanilang tinangka

Ang sigwa’t daluyong ng hanging habagat Habagatan liyag
Isang punong kahoy katabi’y Banaba tawag mala-Rayap
Indayog ng hangin tatlong munting pulo dito’y nababasag
Malahi Alakdan may pulong Matsing pang bato’y malalapad.

Tayo ay umingkat sa Susong Dalaga ating tatanawin
Ang sakop ng Sapao o Cardonang bayan ating sisilipin
Ang lungki at lambak merong inuusal na mga wikaing
Sarsar na ang lunray gaor pa nang gaor sa pagliliwaliw

Daang taun na rin lumipas ang araw ay pinamayanan
Tabi’y Birheng Bato dahilig ay bundok malawak ang parang
Dito nangagbaun lahi ni Limahong mga kayamanan
Balibagong lugar nagbuhat ang ngalan taong nangaligaw

Gayun din ang Tuna Manggahan at Mana hanggang sa Nagsadya
Lumabas ang ngalan dahil sa dayuhang may labit na isda
Isdang malalaki minsang may okasyon na dito’y ginawa
Galing Kutang Bato ng ito’y kinain nalason ang madla

Doon sa Naglumbang,Alakos , Naglangin ang lugar na Birhen
Sa migranteng ligaw takot na pumasyal pagkat sinasabing
Dito raw namahay buwayang mabangis sa mga lungkiin
Biglang sumasagpang kapag may naligaw kanilang kakanin

Sa ibabang bundok malawak ang lungki ang tawag ay Lambak
Daluyong ng hangin hindi makasigwa’t ito’y nababasag
Magandang kublihan mga mangingisda’t mga magdaragat
Lugar ding kublihan no’ng unang panahon ng piratang pangkat

Ang kambal ni Boog minsang sumalunga nangaso sa bundok
Nang mauhaw ito’y tumugpa’t naglunoy lawang parang bubog
Doo’y nasilayan ang isang babaeng mata’y mabibilog
Bood naging Boor mula nang umangkas sa tangkal ng irog

Kugon at talahib kasama ang damong tumubo sa parang
Nagsisisilbing tulong sa taong nanigil dito’y namumuhay
Magbabayanihan sa pangga-Ganutan pambubong sa bahay
O, kaya’y ipalit ng bigas at pera sa kanugnog lugar

Guyam at apanas samuki at hantik dito’y makikita
Saan man naroon tiyak na papanhik malaluyang paa
Tumatak Malanggam sa lungking may taong pawang masisigla
Ngunit yaong tamad at tigil sa tayo kagat ang parusa

Sa gawing duluhan balaraw na pulo merong isang lub-ak
Dito po nanigil nagkubli’t nanganlong masasamang pangkat
Itong Kalubakan ay naging bahagi ng isang alamat
Dito rin nabaun kayamanang nakaw ng piratang dagat

Ayaw kong umalis sa pagkakaupo sa bundok Tagapo
Aking nakikita mga salamisim ng pagkakahapo
Ang Talim kong mahal maglalabit yata ng mga siphayo
At ang kanyang bikas ganda ng tanawi’y unting maglalaho

Nakikita ko rin sa loob ng kristal at bubog na lawa
Mag-iibang kulay kakayumanggia’y kakalat babaha
Isda’y malulunod mangaghihinagpis mga mangingisda
Malaginling hikbi’y suson-susong hapis walang magagawa

Ang mangingibabaw at makiki-angkas ay iba nang lahi
Mayamang migrante sila’ng babalangkas mga pag-aari
Ang taal ng isla’y mangag-aalisang masasal ang hikbi
Lalo’t walang lakas tapang na lumaban sa mga aglahi

Sayang sayang sayang ang isla ng Talim na aking minahal
Ang panalangin ko’y bumangon ang Raha at ang mga Lakan
Na siyang nagbuhos nangalagang tunay sa gandang tinaglay
Mga kaluluwa’y mangagsipanaghoy at ito’y hadlangan

Dadating ang araw na ang aming pulo ay gagawing bayan
Ang mga dahilig nitong kabunduka’y tatamnan nang bahay
At magtatayo rin ng isang himpilan dambuhalang bakal
Tawag nila dito ay katagumpayan isang kaunlaran

Nabanaag ko rin salamin ng araw sa pisngi ng langit
Ang ngalan nang Talim unting mawawala’t dito’y may papalit
Pangalan ng isang Pilantropong tao na siyang uugit
Ng bagong alamat sa nagbagong anyong islang iniibig

Subalit ang tanong kailan pa kaya tayo mauumpog?
Ang mata’y imulat galugari’t masdan ang lahat ng sulok
Sapagkat alam kong dadating ang araw dito’y iimbulog
Kakamkam ng ating mga manang lupa sa lambak at dunggot

Yaring mga hula ng aba kong isip inyong tatandaan
Sasala sa sandok doon sa palayok inyong paminggalan
Taon ma’y lumipas paggulong ng alon ako ay pumanaw
Isang alaala ang aking pamana sa inyo’y iiwan

Ang mga haraya tula at ang dalit aking itatala
Ito ay alay ko sa lahat nang aking minahal na bata
Sa isla ng Talim ating sinilangang may kristal na lawa
Inyong aawitin bigkasing may puyos ng galak at tuwa.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: