Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 2, 2007

Sa Ibang Anyo Ako Dadapo

Sa aking pagpanaw h’wag kang magluluksa,
Dahil katawan lang itong mawawala;
Sa pag-iba’ng anyo’y babalik sa lupa
Upang bantayan ka, O, mahal kong Mutya.

Sakaling lulunin ang aking kabaong
Ng lupang palanas, Mutya ay bumulong;
Gunam-gunamin mong pagdarapithapon
Ang kaluluwa ko’y dagliang bumangon.

Sa iyong pag-uwi sa ‘ting munting kubo,
Lumuhod sa altar magsaklob ng belo;
At kung makakita’ng itim na paparo’y
H’wag kang matatakot… ako’ng nakita mo.

Sa gabing pagtulog buksan ang bintana,
May matatanaw kang makislap na tala;
Huwag kang babangon sa pagkakahiga’t
Inaaninaw ko’ng maganda mong mukha.

Pagbukangliwayway at ikaw’y magising,
Wagiswis ng manok ang tumawag pansin;
Na ang pagtilaok ay parang awitin—
Iyon ay tinig kong ikaw’y inaaliw.

Sa iyong pagbangon sa higaang papag,
Sa paa’ may abang sampares-tsinelas;
Huwag magtataka, huwag magugulat,
Ako iyon Mutya…ikaw ay lumakad.

At kung sa batalan ikaw’y manunubig,
May lumbong panabo sa may alantindig;
Gamiting magiliw sa pisngi’y pangwisik
Ako’y nagsatubig upang makahalik.

Sa iyong paghigop mainit na kape,
Iyong titimtimi’t namnaming mabuti;
Ang labi ng tasa kapag dumaite
Iyong malalasap ang labi ko kasi.

Sa katanghalian ikaw ay naupo’t
Nagbubulay-bulay sa kawayang bangko,
Kung may humahaplos dayaray na dapyo
Ako’y nagsahanging ikaw’y sinusuyo.

Habang nakatanaw doon sa aplaya,
Sa langaylangayan huwag magtataka;
Kung maghugis puso ang paglingay nila
Isa ako doong ikaw’y sinasamba.

Pagdarapithapong mapula ang araw,
Ibaling ang tingin sa kanyang kanluran;
Ako’y nakadapong ikaw’y tinatanaw
Laging naghihintay sa ating himlayan.

Setyembre 3, 2007


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: