Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 9, 2007

Mga Tula Ni Tata Habang Nagpapagaling

MAY UNOS SA PUSOD NG LAOT

Marindi ang unos sa pusod ng laot,

Ng aking igaod ang bangkang nilumot;

Hindi namalayang ang sagwa\’y nahulog

At unting lumubog ang lunday, naanod.

May natanaw akong kawayang nag-antaw

Sa gulong ng alon ay sasayaw-sayaw,

Ako ay nagtimbol, langoy-kinapitan

Upang gawing katig sa lubog kong lunday.

Muling nanalasa\’ng hanging may tornado,

Kaya ang lunday ko\’y parang ipoipong

Sa hablig-aldabis ng salatang bibo\’y

Ni walang nakita kahit na anino.

Dapat nang bumalik sa dalampasigan,

Habang nagngangalit Inang Kalikasan.

Awit ni Tata Raul Funilas!

ISANG MAHABANG PAGLANGOY

Di ko naiwasan ang unos sa laot,

Na biglang sumalpok sa \’king pagkatulog,

Bangka ko\’y inanod hanggang sa lumubog

At ako\’y natangay ng hugos ng agos.

Aking kinapitan ang limas at sagwan,

Sa alon at sigwa\’y ginawang timbulan.

Kahit ang braso ko\’y pagal sa pagkampay

Ay hindi susukong dumalampasigan.

Dapat kong marating ang ibayong dahik,

Dahil naghihintay ang aking pag-ibig;

Ang tulang may sukat at tugmaang awit

O,sana\’y humupa ang bagsik ng langit.

Sakaling marating pampang-kaligtasa\’y

Umasang tula ko\’y muling iilanlang.

Awit ni Tata Raul Funilas!

31 Hulyo 2007

UP Diliman

PANAKAW KONG SULYAPAN ANG ARAW

Agosto 8, 2007

Malakas ang ulan kagabi.

Iniisip kong umiiyak ang langit.

Lumabas ako at pilit sinilip

Kung magtatagal ang buhos.

Hanggang maghatinggabi.

Ramdam ko pang may tikatik

Na patak sa pilyegong atip

Na nagpapabiling sa aking pagtulog.

Magbubukang liwayway,

Pikit ang mata ko\’y gising

Ang diwa. Wala na ang ulan.

Naisip kong naibsan at tumahan

Ang langit ng ako\’y mahimbing.

Bumangon ako,

sinulyapan ang araw…Panakaw.

Tata Raul Funilas

PAGSUBOK

Malimit mansubok

Ang Diyos.

Laging hinahaplos

Ang kirot.

Malamyos mag-utos,

Bantulot.

Inyong ipagbantog

Na lipos.

\”Gumaling ka anak\”!

Ang atas.

Nais Kong lumakad-

Galugad

Doon ka maglayag,

I-angkas

Yaong pahimakas.

O, Pantas!

Sagipin Mong lahat!

Tata Raul Funilas

Laganap Ang Takot

Natakot ang bayawak

Nang makita ang palad

Na sa kanya\’y hahatak

At sa lungga\’y ilabas.

Tumilanghad ang ahas

Parang gustong tumakas

Nang marinig ang yabag

Ng taong kumaripas.

Ang aso\’y nangangagat

Pag inagaw ang ngatngat

Na butong nasa hapag

Kaya sana\’y kaingat.

Hayop o tao\’y gulat

Sa mundong naghihikab.

Tanaga ni Tata Raul Funilas!

Pansumandalian Lamang Ang Aking Paglisan

Parang nagbakasyon lamang sa malayo.

At magpapalipas ng pupong siphayo

Na bumabal��bal sa labnaw ng dugong

Sumisiwang lagi\’t inalis ang luho.

Unting namimitig ang sigla ko\’t lakas,

Mulang bumanyuhay ang kaway ng malas;

Ang inaapuhap ay dagliang lunas

Na tanging gagamot sa naknak ng sugat.

Di rin magtatagal ang aking bakasyon,

Ako\’y magbabalik isang dapithapo\’t

Lipos na aawit ng tulang panghamon-

Itatalaksan ko\’y daang linya\’t saknong.

At sa pagbabalik ng lakas ko\’t sigla,

Nais kong lumangoy sa tugmang hiraya.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Ang Unang Lambat Sa Lawa Ng Laguna

Ang panahon noon sariwa\’t malinis,

Naglisaw na isda\’y kamayaw sa tubig;

Ginising si Amal* ng hiwagang tinig:

Masdan mo\’ng gagambang lumala ng banig!

Ang isda sa lawa\’y dapat mabawasan,

Gumawa ka Amal lawalawang umang;

Lalahin ng pino ang hibong himaymay

At iyong isampay sa lawang nagisnan.

Lilipin mo Ayel** itong unang lambat,

Ang halintulara\’y ang diamanteng kislap;

Magbuhol,magtagni sa sinikwang butas

Bastiyahing kulob sa dampol na katas.\”

Ang panimulang habi ng lambat sa lawa\’y

Talaksang ginaya nitong mangingisda.

Awit ni Tata Raul Funilas!

*Amal…Amang lawa

**Ayel…Inang lawa

AKO\’Y ALABOK LAMANG

Gunitang naglayag hanap ay alabok

Na dating dumapyo\’t sa aki\’y humagod

Noong ang panaho\’y hindi nasasakop

Ng bagong milenyong dagling umimbulog.

Ngayo\’y natitimbon sa pukas na daang

Sinalisalisod ng paang magaspang,

Tanging ipoipo ang nagpapatunhay

Upang manalakay sa gawing kanluran.

Ngayong humahaplos ang bagong alabok

Sa hapay kong buhay ay waring sinagot

Ang tanong kung galing ba sa alikabok

Ang tao sa mundong mabagal umikot?

Halina alabok at ibahaghari

Ang kulay mong laging ipinagkatangi.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Nang Gisingin Ng Bituin Ang Gabing Mahimbing

Nang humikab si Gabi\’y

nagising ang salbaheng

Bituing walang lente.

Nagkulapol ng dilim

sa buong papawirin

at si Gabi\’y lumalim.

Si Gabi ay nagising

sa tulog na mahimbing

nagalit kay Bituing

namukaw sa paghimbing.

Lumipad si Bituin,

isinabog ang ningning

at nawala ang rilim

kay Gabing nangulimlim.

Soneto ni Tata Raul Funilas!

KAPIRUKPIROK (Ibong Malikot)

Ay! Kapirukpirok sa punong sampalok

Na nanginginain ng gagamba\’t uod

Bakit ang puwit mo ay napakalikot?

Hindi ko mahuli ang iyong alindog.

Ikaw\’y dumadayaw ng magandang himig

Kapag naramdamang busog na ang dibdib

Hanap ay kasuyong naroon sa gilid

Ng mga mata mong malikot sumilip.

Bigla kang lilipad pag hangi\’y pumaspas

Sa dahong lungtiang iwinawasiwas

Takot kang masilo sa umang na bitag

Ng batang ambisyo\’y matayog lumipad.

Nang kayo\’y panabay lumipad palayo

Ng kasuyong ibon: luha ko\’y tumulo.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Ayaw kong bahiran kahit anong lungkot,

itong kapalarang kaloob ng Diyos,

ang gusto ko\’y tuwang laging idudulog

sa aking sariling laging sinusubok

kung kayang lampasan ang sakit na dulot.

Tayo ay magsaya sa araw at gabi

at laging positive ang ating sarili.

Mataas na talampas

ang aking inaakyat

simulang magkasugat

ang tiyan kong nabutas

hinihilom ng ngiti

at pusong may l\’walhating

ang tunay na kandili

ang magpapanag-uli.

ANG PAGBANGON

Ay! Doktor,

Ay! Doktor bakit mo binutas

Ang tagiliran ko\’t iyong inilabas

Ang aking bitukang sabi mo\’y nagnaknak

Kaya mo pinutol ay upang ilunas

Ang teknilohiyang dito ka nagpantas?

Ako\’y sampalatayang kaya mong ibalik

Ang aking bitukang kumapit ay sakit,

Dahil ang diwa ko\’y laging nananalig

Sa Dios na lumikhang naroon sa langit.

(Dito mo sinunog ang kilay mo\’t anit.)

Gawin ang marapat Siruhanong Doktor,

Upang ang katawa\’y maalis ang lambong;

At ang humalili\’y matatag,mayabong

At naniniwalang kaya pang bumangon.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Mabisang pangontra sa mga himutok

ang labis pagtitig sa taluktok bundok

isiping ang mata\’y isang masong handog

na kayang magwasak matigas na moog.

KATULAD NG BAKLAD ANG AKING TALUDTOD

Katulad ng baklad ang aking taludtod,

Ang inuumanga\’y ang ��sda sa ilog;

Patuto\’y mahabang dito umaagos

Ang mga salitang tugma kung pumasok.

Ang liling at kulong ay sukat na sukat,

Ang tangkil ng tulos ay kontrang habagat;

Sakaling humangin ay silbing panalag

Sa yangkaw na libag na dito\’y langkawas.

Dapat ay madulas ang bawat salita,

Upang paratangang tunay na Makata;

Subalit kung linya\’y walang talinghaga

May mabitag kaya ang baklad ng tula?

Hayaang pumasok sa bawat sinaknong

Ang isdang malusog ironya\’t alusyon.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Igpaw At Pusag

Ay Isda! Ay! isdang laging lumalangoy,

Baka ka malunod sa gulong ng alon;

Ikaw ay pumasok sa baklad at kulong

Upang masalok ka ng baskagang gutom.

Huwag kang lalaot ng pamamagaspas,

At baka mahagip uli-uling bigwas;

Sa bukanang ilog ay doon mamugad

Upang masagap ka nitong kapus-palad.

Sa aking paggaod ikaw ay sumunod,

Tayo ay tutuklas ng tulos-palipod;

At doon ilagak pipisaing itlog

Nang kayo\’y lumago kumalat sa ilog.

Ay! Isdang nabihag huwag magagalit,

Dahil nilikha kang sa gutom pamatid.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Agosto 12, 2007

LIYAB NG ARAW

Naninigid ang init

Ng Araw. Ang tilamsik

Ng tudla\’y may hiwatig

Na tuloy ang pagtirik

Upang maipadama

Ang haplos ng nagbaga

Niyang mithi sa sintang

Anak na nagdurusa.

Ang init na humaplos

Ang gumamot sa kirot

Ng karamdamang dulot

Ng tadhanang mapusok.

O, Araw, sa Iyong tudla,

Ako\’y nagpatirapa.

Tanaga ni Tata Raul Funilas!

Agosto 12, 2007

DAKILA ANG PILIPINO

Dilang nag-aalab ang dulo ng baril,

At espadang gasang sa moog na buhay;

Kapingkia\’y kapwa Pilipinong tunay

Igting nang labana\’y maraming nakitil.

Liyab nitong apoy ay hindi mapawi,

Angaw ang nagdusa na ating kapatid;

Ang bayan ni Huwan ay palaging sawi

Na ang inaani ay hikbing paghibik.

Gumayak! Dakila! Kayo ang kumilos,

Pagningasing lipos ang dalang prinsipyo;

Inyong ibandilang kayo ang tutubos

Na hindi nagawa ng gobyernong bobo.

O, Dakilang Pinoy huwag kang luluhod,

Yaman nati\’t tapang ang maging busabos.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Agosto 13, 2007

HALIPAROT

Ako\’y may kilalang magandang babae,

Na ang katangia\’y santambak sa dami;

Gulat ang balana\’t pihikang lalake-

Hubad kung maglakad sa lalim ng gabi.

Ang babaing ito\’y malikot kumilos,

Lisyang binansagang bibeng haliparot;

Imbay nitong puwit ay pakembot-kembot

Parang p\’wet ng bibeng lalabas ang itlog.

Ang aking kumpare\’y minsang nahalina,

Rindidong sumamba sa tanging dalaga;

Opalo\’t diamante ang yamang ginasta\’t

Titulo ng lupa\’y nasangla\’t remata.

At nabangkrap lahat ang pera ni pare,

Yakap na nakamta\’y sa Meralcong poste.

Awit ni Tata Raul Funilas!

Agosto 13, 2007

DASAL SA ORASYON

Diyos Ama sa langit

Awa Ninyo\’y ilawit

Sambahin Kang mahigpit

At kami\’y pumalangit.

Lubos Mong kahabagan

Sa aming karamdaman

At Inyo pong lunasan

O, aming Amang mahal.

Rilim na dumadapo

Ay Inyo pong ilayo

Silay Mong ihihipo\’y

Yaong kinang ng ginto.

O, Amang dinakila

Ngiti Mo\’y pagpapala.

Tanaga ni Tata Raul Funilas!

Agosto 13, 2007

HINDI NAKATULOG SI HESUS SA KURUS

Batingaw! Batingaw ay ialingawngaw

Ng bayag mong lawlaw na dito sa altar

Ng bayang simbahan ay may nagdarasal

Na siyang nagnakaw ng koronang yaman.

Kanyang ibinalik ang ostiya\’t kalis,

Lipos iniisip ang tuksong pag-umit

Dahil sa ang dibdib ay laging may bikig

Kaya humihibik, gustong matahimik.

Tunog ng kampana\’y abot sa dambana,

Ng nangamanatang dasal aligaga\’y:

Patawarin nawa timawang kawawa

Sa kanyang ginawang hiling sa Lumikha.

Kalembang ng tunog ay lumalambayog,

Pati na si Hesus nagising sa Kurus.

Awit ni Tata Raul Funilas!

ANG AWIT KO SA IYO

Agosto 10, 2007

Ang simoy ng hangin ay aking kinalap,

Na kasama\’y along may tunog ang tiyad;

Ginapi ang ingay sa talo\’t pinalas

At sa \’king awiti\’y nais kong ilapat.

Walang titik noon ang himig ng tinig,

Inaalpasan ko\’y ang laman ng isip;

Tiktak nitong dibdib ang nagpapapintig

Kaya may musika ang likha kong awit.

O, awit pag-ibig, makapangyarihan,

Sana ay marinig ng pusong nalumbay;

Ang timyas na hatid awiting naglakbay

Iyong palubagin ang pamimilaylay.

Yamang narinig mo ang aking awitin,

O, aking pag-ibig sa duyan humimbing.

Awit ni Tata Raul Funilas!

TAGA SA PANAHON (Kay Kuya Bening Aragones Gannaban)

Agosto 14,2007

Dapat, taga sa panahon

Ang kawayang gagamitin

Ninyo sa itatayo ninyong bahay kubo.

Paalaala ni lelong noon,

Tatatlong buwan pa lamang kaming kakakasal

At balak bumukod nang sariling tirahan.

Ibabad ng isang linggo sa tubig para walang bukbok

At apid na magpaparupok at sisira

Magsasag ng palarindingan at taklabin ang bubungan.

Danlayin ang sahig at ibukod ang altar.

Mga tungulan ang gawing haligi,

Pisig ang palupo at lagyan ng puyahan ang silong para sa aalagaang hayop.

Kung lilipat ay unahin ang bigas at asing ipasok

Para ang suwerte ay pirming papasok.

Punuin ang banga at tapayan,

Lagyan ng uling na Krus ang apat na lago ng dingding

Para lumayo ang masasamang espiritu.

At kung anuano pang samutsaring habilin.

Pagkalipas na mahabang panahon.

Buo pa rin ang nasabing bahay kubo,

May naglalarong sandosenang apo

Kalapit ang isang malaki at kongkretong bahay na moderno.

Berso Libre ni Tata Raul Funilas !

IKAW ANG AKING TUBIG

Agosto 15, 2007

Maliban sa iyo, walang anumang pintig

Na sumuksok sa dibdib ko kundi tubig.

Tubig ang unang bumuhos sa aking katawan

Noong hawakan ang paa ko ng Manggagalay,

Noong buhos-tubig sa kampilan ng kumpilan,

Noong bintangan at bintangang binyagan sa simbahan

At noong ang layagan ni ama\’y tagayan at lagayan ng buntog-ulan.

Tubig ang laruan sa dalampasigan,

Tubig ang binabaon sa pamamandaw ng umang,

At tubig ang tumitighaw sa tindi ng pagkauhaw

Sa nawawalang pagmamahal.

Subalit nang dumating kang parang tubig

Na umaagos at dumadaloy sa aking dibdib,

Naging kambal ang aking pag-ibig.

Soneto ni Tata Raul Funilas!

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: