Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 18, 2007

Panata Sa Kalawaan (Sa lawa ng Laguna)

Bago pa mamatay ang lawa ng Laguna.
Aking itataon ang pagtatanong ngayong tag-ulan,
Dahil nagtutubig ang aking tainga.
Yagit ako at dugyot na laging inaaninaw
Ang katanungan sa nakabibinging panata.

Saan?
Saan?
Saan?

Walang nagbabadya, walang bumubulong…
Bakit?
Bakit?
Bakit?
Ako bang hinamit sa humbak ng alon ay mayroong hindi naarok?
O, hindi inalam ang nagtasak ng bural at kinalahig ang anit
Kaya ang lawa ko ay mamamatay na lamang sa pagbuburabok.

Saksi ko ang buwan, buntala at Santilmong laman nitong himpapawid.
Kasalanan ko bang ako’y nakipaligo sa dalampasigan at dito nagbantod?
Kasalanan bang mahaplos ang tubig na may sulsol na apoy at mabatid
Na hindi matangaran ng inuming tubig na dito’y sariwang bumabalong?

Malalilm ang sugat na bumaon sa kaniya at gusto kong tarulin
Na dulot ng mga suwail sa tubigang sa kaniya ay nanibulos;
At hindi nasagkaan ng mga kabangkilas na may lisyang masanting.
Sa paniniwalang ang baluktot at buktot na pangakong makakaahon
Sa paghihirap. Mga anas ng matatamis ang dilang doo’y nangunyapit.

Kasalanan ko ba?
Kayo ang sumagot!

Bakit?
Bakit
Bakit?
Ako’y nagtatanong…

Ang aking sarili’y di ko na binatid kung meron pang bikas,
Ang tanging layuni’y malunasang lahat ang pangangalambreng
Kaligkig ng lawang halos maghingalo sa dulot ng sukab.
Saan pa kaya magtatampisaw ang paslit na dumarami?

Saan pa lalangoy ang kawan ng isdang lupog na ang ngasab
Kung nararamdaman ang pamamagaspas saan magkukubli?
Saan pa hihimlay kung pagod maglunoy sa maghapong pagkawag?
Walang susulingan ang kawawang kawan ng lawang inapi.

Sapagkat…

Ikaw!
Kayo!
Tayo!
Ang siyang may sala kaya namamatay ang lawa ng Laguna.

Saan?
Saan?
Saan?

Walang nagbabadya, walang bumubulong…
Wala na ang alon na nahuhulabid
Sa taboy ng hanging malamyos ang simoy.

Wala na!
Wala na!

Ako’y nabibikig
Sa pangungulilang sa dibdib kinalong
Ang lawa kong minahal, saan na lilibid?

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: