Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 18, 2007

AWIT NI AYEL

Lahat kayong nakasakay sa bangka,
Alimaymayan ninyo ang aking awit
Habang minamasdan ang aking paligid;
At huwag na huwag kayong mamangha.
Tubig akong lumalabo, mamamatay.

Kayong gustong umangkas sa aking nalulupog na kariktan,
Ulinig ko ang sikdo ng inyong kalooban; ang pananalisod
At sikad ng inyong mga paa, masasal ang kaba at hakbang.

Ako ang bubusog
Sa giyaot at gilawgaw ng inyong galaw at galawgaw,
At alam ko rin ang may lantay na malasakit
Sa banayad, makupad, maulog ko at katapusan kong hininga.

Huwag ninyong tatapunan ng kuyagot
Ang aking pusod, H’wag ninyong ihahagod
At itutulos ang panibulos na tutusok
Sa aking pamamahinga.

Sakaling mapagmasdan ang aking lihim
Na alindog, humanga kang lipos at itanong
Sa sarili kung nais pa ninyo akong balikan.

Sakaling makita ninyo ang matayog na bundok
Ng Susong Dalagang kalapit ng Titing Binata,
Sila ang aking mga pudigalyong nag-aldaba
Sa sigwa ng hanging amihan at sabalas.
Huwag ninyong hindi kuhaan ng larawan,
Dahil malapit nang mawala ang kanilang kagandahan.

Sakaling mamasid ninyo ang kahabaan ng parang ng lawa,
May mga bunsong dayaray ang habagat na sa inyo’y
Dadapyo, upang ipadama sa inyo ang kanilang pagsuyo.

Huwag kayong uuwing may pangamba
Sa aking kamatayan, dahil hindi pa
Ako papanaw, marami pang anak
Na sa akin ay dapat makinabang.

Bukas, wala nang dadalaw sa akin,
Papalapit na ang kawiting palakol.

Sakaling makauwi kayo, pakibulong
Sa naka-aalam ng kapaligirang:
Nakita ninyo ang aking kagandahan
At ang unti-unting pagkamatay.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: