Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 28, 2007

Libro Ko ‘To (Halugaygay Sa Dalampasigan)

Iyan daw pagtula’y parang isang ulan,
Hindi bumubuhos sa simoy tag-araw;
Subalit pagdantay nitong kasawian
Uulan ng tula ang pusong luhaan.

Ang tulang inakda’y ang turing ko’y anak,
Naroong wisikan, bangong halimuyak;
Minsa’y uyayii’t hagkan at iyakap
Bigyan ng pangarap maging isang aklat.

Ngayong naganap na ang tanging adhika,
Balong umaapaw ang lukso ng tuwa
Nitong Sampay Bakod at kunwang makata
Kaya hangga ngayon ay tula nang tula.

Ang libro kong ito’y taon ang ginugol
Upang mailuwal. Ako ay nagtimbol
Sa laot ng lawang may balumbong alon,
At silindrong hanging kay-timyas sumipol.

Pupong metaporang mahimbing ang tulog,
Aking ginigising sa bulong-taludtod;
Utusang lumakad, lumipad lambayog
Upang mambabasa’y sa isip tumampok.

Aking hinayuma’y huklubang salita,
Pinagpantig-pantig ng sukat at tugma;
Aking iginaod bangkang talinghaga
Sa laot-panitik nitong aking diwa.

May linyang pag-ibig at sigaw-digmaan,
May hikbing hinaing at inis pang-uyam;
Merong panunutil at libang dupluhan
At may erotikang libog panambitan.

Subalit makata… wala ditong pera,
Ang gawang pagtula ay isang parusa;
Kung wala kang puso kayo’y magpahinga’t
Bilhin ang libro ko, kayo ay magbasa.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: