Mga Dahit Ng Tula Ang Laman Ng Aking Gunita
Katulad ay bahay ang tulang balangkas,
May mahabang sahig may maikling taklab;
Marami ding punggok, may tatlong palapag
Ngunit pawang dulo’y may tugmang kay-sarap
Pakinggan ang tunog sa tulang binigkas.
Labindalawahan ang pantigang Awit,
Sesura’y anima’t hinating kapatid;
Kay-inam lapatan ng musika’t himig
Pang-aliw sa pusong kapwa umiibig—
At minsa’y balaraw sa ulilang dibdib.
Ang Dalit ay laging masaya’t magiliw,
May walong pantigan at gustong aliwi’y
Yaong mga pusong lingkis ng hilahil;
At ang tinatanaw, araw na pakiling
Na tinatabuna’y hinukay na libing.
Ang tulang Tanaga’y may pitong pantigan,
Na ang pumipintig ay sukat, tugmaan;
Apat ang taludtod ng bawat saknungan
Bangkay na salita’y laging binubuhay
Ngunit palad yatang ito ay mamatay.
Dionang mangingibig may tatlong taludtod
Bawat isang saknong, at laging pa-irog
Ang iniluluhog—minsan ay mapusok.
Subalit ang hangga’y sa altar lumuhod,
Kung minsa’y may luhang hagdan kung manaog.
Lima bawat pantig ng Gansal na tula,
Dito ay bilanggo ang bawat makatang
Marubdob ikulong ang sariling diwa;
Kaya ang taguri’y makatang tulala’t
Hindi makaipon ng sariling muta.
Hunyo 20, 2007
PUPUNTA TAYO SA BUWAN KAPAG DALAGA KA NA
Naniningalang pugad
Noon ang ating edad.
Tayo’y laman ng pukas
Na daan at sumulat
Sa lupa ng pangalan
Natin. At walang malay
Nating pinagmamasdan
Ang namamasyal na b’wan
Nang binulungan kita
Sa ‘yong tenga ng: Ganda!
Gusto mo bang pumunta
Kapag dalaga ka na?
“Oo, basta’t kasama
ko sina kuya’t ama.”
DIONA SA PANGUNGUTOG
Pagnanasa’y nagliyab
Sa dalagang niliyag
Na sabik sa pagliyad.
Hunyo 21, 2007
Mag-iwan ng Tugon