Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 12, 2007

DALAWANG TULA NI TULA

DASAL ELEMENTAL

Higit sa pitong buwan
Na hindi ko nadalaw
Si Ayel na minahal.
(Higit sa aking buhay.)

Isang darapithapo’y
Sinalubong ko’ng alon
At masigwang panahon,
May luhang lumalambong

Sa mata ni Ayel. O,
Aking Mahal, narito
Ako’t bumalik sa ‘yo
Na hilo pa ang ulo.

Sana ay patawarin
At ibigay ang hiling
Na nawa’y pagalingin
Ang naglilong damdamin.

Kandungin mo ang sakit
Na sa aki’y kumapit,
Yakapin mong mahigpit
Ng upang maka-alis

Ang bigat-karamdamang
Dumapo sa katawan
Kong laging may hingalay,
Salamat at paalam.

Ayel- Inang Lawa

Hunyo 13, 2007

DALAWAMPU’T APAT NA UTOS NG TAMAD NA HARI

Si Kuwa ay isang Tinamad na Hari,
Walang naiipo’t walang pag-aari;
Kundi kanyang Reynang laging hinihili
Na ang utos niya’y hindi nababali.

Sa paggising pa lang dakong alas cuatro:
1. “Magtimpla ng kape’t ilagay sa baso!”
At sa pagpitada nitong alas cinco:
2.. .“Ipagluto ako ng prito’t adobo!”

At sa ala-seis muli pang hihiga,
3. “Hagurin ang likod ang binti at hita!
4. Iyo ding alisan ang mata ng muta
5. At buksan mong lahat ang mga bintana.

6. Ako ay kakain ihai’y masarap!
7. Magkatas ng ubas na aking himagas!
8. Tiyan ay himasin kapagka nabundat
9. Pahirin ang pawis kapag nababanas.

10. Umigib sa balon ako’y paliguan,
11. Hilurin ang banil ng aking katawan;
12. At iyong ihanda ang kumot at unan
13. Sa aking paghiga ako’y papaypayan.

14. Ako’y gigisingin dakong alas dos,
15. Lulunin ang banig tiklupin ang kumot;
16. Ilabas ang perang iyong iniimpok
17. At huwag tututol ibigay malugod.

18. Ikaw ay magdasal ako’y patupada,
Upang di malasi’t lumago ang pera.
19. Habang ako’y wala ikaw ay maglaba’t
20. Lahat ng damit ko ay iyong iprinsa.

Mag-iikawalo umuwi ang Tamad
Na Hari, may tuwa at humahalakhak,
Dahil sa nanalo ang tandang na lasak;
At sa katuwaa’y biglaang bumagsak.

21. Ako ay dalhin mo sa isang klinika,
22. Iyong padugtungan ang hirap kong hinga
23. Kahit albularyo ikaw ay magpunta
24. At iyong sabihing wala tayong pera.

Dagling iniwanan ang Tamad na Hari’t
Kumuha ng tubig doon sa pusali;
Agad pinainom at ang usal-pakli’y:
“Inumin ang gamot!” Reyna’y nakabawi.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: