Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 8, 2007

Tatlong Tula Ni Tatá

Kung Minsa’y Tulog Ang Agos

Raul Funilas

Kung ang batis

Ay nagtubig

Sa tikatik

Ng inimpit

Na luha. O,

Nang naglilo

At nahilong

Pagkatao.

May sagwan ba

Kaya’t proang

Dadamba sa

Alo’t sigwa?

Natutulog

Din ang agos.

Hunyo 8, 2007

Kan(si)yon

Raul Funilas

May huling baladang kanyong nanunuot

Sa humbak ng alon at hagdanang bundok,

Walang kumumparsa ng angkop na tugtog

At pilit kumapit sa hanging pa-Timog.

Hayaang marinig ng bingi at bulag,

Ng pipi at lumpong laging nanghahakab;

Ng himig awiting kanilang panlunas

Sa kinakalungkong na laksang bagabag.

Ha’mong maulinig nitong mandirigmang

Sanlibong pasakit ang sinasalasa,

Upang sa pag-uwi sa iniwang dampa’y

Mahagka’t mayakap, pamilyang kawawa.

O, baladang galing sa haling na hangin,

Laging pahimigi’y lambing ng awitin.

Hunyo 8, 2007

*Kansiyon- awit, kanta, balada

Umaamo Rin Ang Labuyo

Raul Funilas

Koronang putong

Ang lungay-palong,

Lisiking matang

Animo’y baga.

Itim ang hubog

Ng pinong buntot,

May bawig-bagwis

At tulis-tahid.

Wala ang ilap

Kapag umigkas

Ang bitag-umang

Na panalakay.

Napapaamo

Nang hipo’t samo.

Hunyo 8, 2007


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: