Alaala
Matigas mang bato ay kayang maukit,
Ng sigwadang hangin at galit na tubig;
Maging kabundukan, palanas at putik
E, ano pa kaya, ang lambot ng isip.
Ganyan, alaala ang iyong katulad,
Malalim magtanim kapag kapuspalad;
Ngunit kung pag-ibig, kayakap, katalad
Di ba’t saginsin ka ng laksang pangarap?
Kaya alaala, pitasin ang bunga,
Na sukdol sa sarap at sakdal ang ganda;
Iyong ibalabal sa lamig ng dusang
Laging nananaboy upang lumuha ka.
Raul Funilas
Mayo 9, 2007
Advertisements
Mag-iwan ng Tugon