Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 7, 2007

KALAHATING DOSENANG TULA NI TATA RAUL

NANG MAKASABAY KO SI ATTY. MIKE ARROYO
(SA ST LUKES HOSPITAL)

Kawalong umaga a cinco ng Mayo
Sa St. Lukes Hospital ako ay nagtungo’t
Magpapa-Stress Test.Kayrami ng tao
Sa silid na iyon.)A! Si Mike Arroyo.

Habang tinatanong ako ng alalay—
Ospital ay sakay na nagpipinidal
Ang Unang Ginoo’t panay ang tawanan,
Kasama ang bunsong si Luling kay-galang.

Ako nama’y hila ng isang attendant
Nang upang malagya’t sa aki’y iyakap
Mga instrumentong Stress Test panuklas
Kung ako’y normal pa ang natirang lakas.

Sabay na natapos kami ni Atorni’t
Ako’y sumaludo’t siya ay ngumisi,
Habang nakangiti sa akin si Luli.
Sayang nga lamang at di ko nasabing

Ako ang kasama ng kanyang asawa
Sa isla ng Talim sa lawang Laguna
Noong Senador pa si Pangulong Gloria
Na ang nangagplano’y sina Edmo’t Manda.

At sasabihin ring di ba at nagbalak
Siya na bumalik sa tabang na dagat
Upang makakain ng pulutang dalag
Sa kubo’y tumagay nitong beer at konyak?

Mabuti na lamang at siya’y kumaway
Habang papalabas doon sa pintuan,
Dahil sa kung hindi ako nginitian
Isusumbong ko siya kay Gloriang mataray.

Mayo 5, 2007
Stress Test Center
St. Lukes Hospital
Bgy. Damayang Lagi, QC

BUMALIK KA TUWING DAPITHAPON

Pumipikit ang diwa ko tuwing ikaw’y umaalis,
At ako ang maiiwan sa ginawa nating pugad;
Ang luha ko’y tumutulo’t parang hindi matitiis
Na sa aking pag-iisa’y wala akong makayakap.

Inaaninaw ko’y labo sa pusikit nitong gabi,
Hinahanap ang larawang nangakadikit sa dingding;
Nagkukulag ang loob kong lipos hindi maikubli
Kalungkutang nadarama ng puso kong naninimdim.

Nahiga ang aking lungkot sa duyan ng gunam-gunam,
Ang unan ay kambal braso’t ang kumot ay alaala;
Ang pamaypay ko ay hanging sa bibig ay nag-unahang
Sakbibi ng pagdurusang kinakapos ang paghinga.

Tuwing ikaw ay aalis sumisigaw itong bulong
At ang linyang panalangi’y bumalik ka’ng dapithapon.

Mayo 8, 2007
Sa pananakipsilim
Sa isla ng Talim
Lawa ng Laguna

MAY NINGNING ANG GINTONG HINAHON

Itundos maayos ang tulos sa laot
Ng isang salitang sa puso’y tumagos,
Upang ang tagisan ay hindi lumukob;
Sa isang ugnayang kayo ang lumilok.

Ang bawat winika’y pakokoronahan,
Sa lahat ng sulok nitong kaisipan;
Pagkat malayo pa ang paroroonang
Lakbayin ng inyong takdang kapalaran.

Sa bawat pingkian ng talaka’t takap,
Inyong atikhain ang mumunting liyab;
At siyang gamitin sa dilim ng landas
Upang inyong diwa ay magkaliwanag.

Bawat pagtatalo’y mayroong sulosyon,
Kung parehas kayong may gintong hinahon.

Mayo 8, 2007
Sa kubo sa laot
Isla ng Talim Lawa ng Laguna

HABILIN

Nais kong sumigaw,
Kangina;
Ng aking matanaw,
Nakita,
Ang isang larawang
Kaiba,
Ang pagpaparamdam
Ni ama.

Wala siyang kibo,
Tahimik.
Waring nanibugho
Ang isip.
At ayaw maglaho
Sa silid,
Habilin ay puso
Ng paslit.

“H’wag mong dadayain
Si bunso,
Siya ang bituin
Ng mundo;
Iyong mamahaling
totoo
H’wag lilinlangin
Ang ulo.”

Mayo 8, 2007
Sa kubo sa laot
Isla ng Talim
Lawa ng Laguna

HIMIG NG LANGIT

May isang kudyapi akong naririnig,
Tila nanggagaling ang ganda ng himig
Sa maaliwalas na lawak ng langit
At hinaharaya ang pananahimik.

Sakay ng bituin ang kumukumparsa,
Sa isang awiting sakdal pagkagandang
Ang gamit na titik halaw sa Bibliya
Ng Unang Genesis nina Ada’t Ama.

“Nang lalangin Kita’y kinimis ang lupa,
At saka hinugot ang tadyang mong sadya;
Upang makapiling dito sa tumana
Ang tanging pag-ibig na Aking nilikha.

Awitin ay dinggin sa ‘yong alaala,
Upang ang puso mo ay laging may sigla.”

Mayo 8, 2007
Sa gitna ng lawa ng Laguna
Isla ng Talim

SA IYONG PAGTULOG MANINGNING NA BITUIN

Kung natutulog ka di ka pupukawin,
Ikaw’y hahayaang tuluyang mahimbing;
Alam kong hilo na ang sampung bituing
Sa diwa mo’y tanod sa gabing malalim.

Ako’y naririto sa kadatig nayon,
Laging tumutula sa hawak na celfon;
Upang ipa-anod sa hanging nag-ugoy
Ng may mabasa ka paggising ng simoy.

Hindi maiiga ang libo kong tulang
Ipinanganganak ng hambog kong diwa,
Dahil alaala at aking gunita’y
Tanging ikaw lamang ang binabathala.

Hindi masasaid ang laman ng isip,
Tuwing paumagang ikaw ang pumagkit
Dahil ang tugtuging laging naulinig
Ay himig ng iyong mahimbing na dibdib.

Hindi mauubos ang aking salita,
Metapora’t tugma, pati talinghaga;
Dahil pumapakat sa bawat ginawa
Ang iyong mahinhin at maamong mukha.

Ganyan ka sa puso ng libong nanggising,
Sumilang na merong salitang may lihim;
Ang tangi lang hangad ay ang makarating
Sa gitna ng isang bituing maningning.

Mayo 8, 2007
Sa laot ng lawa
Isla ng Talim
Bgy. Tabon Malamig, Binangonan, Rizal

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: