Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 1, 2007

SANDOSENANG TULA NI TATA

NANG MAGING KULAHAN ANG CIRCLE NG QUEZON CITY

Bahagharing bilog ang oval ng s’yudad,
May dating pangakong pahayag ang sulat;
Nanganghihikayat. Ng aking masipat
Ako’y napangiti… Sa posters…Yak! Kalat!

Bahagharing bilog
Ang oval
Ng s’yudad.
May dating
Pangakong
Pahayag
Ang sulat.
Ako’y napangiti…
Sa posters…
Yak!
Kalat!

Raul Funilas
Abril 28, 2007

Tanaga Ng Isang Parusa

Mahilig kang mang-umit
Ng wikang sinasambit,
At ang hindi mo batid;
Ikaw’y nakasasakit
Nang ibang pag-iisip.

Dahil umit na lihim
Ang wikang naibitiw,
Ngayon, ikaw’y inutil
At huran ang pasaning
Sanlaksang salamisim.

At iyan ang parusa
Sa tulad mong maysala
Sa kawawang asawa.
Kakamtin mo ang dusa
Sa iyong pag-iisa.

Raul Funilas
Abril 28, 2007
Sa Round Table
Ni Fil I. Manda

SAMPUNG KALBARYO NG MANGGAGAWA

Isa-isang isinasalansan ang basyo ng mahihirap,
Dalawa-dalawa ang pagbuhat ng mga kargador;
Tatlo-tatlong andana bawat patong. Nang mabasag
Apat-apat na piraso ang mahalagang laman ng kahon.

Lima-limang araw ang ipinataw na parusa sa kanila,
Anim-anim na pag-amin ang kawawang manggagawa;
Pito-pito ang inilunas nila sa nagnaknak na sugat ng alaala
Walo-walong pigtal na luha ang lumumlom sa gunita.

Siyam-siyam na pasiyam ang umid at nagluksang mga diwa,
Sampu-sampung dagok ng tadhana ang tinamong gantimpala.

Raul Funilas
Abril 28, 2007
Sa Round Table
Ni Fil I. Manda

TANAGA SA VERANDA NI CRESTA

Dating s’yota ni Siga
Si Dungaw, ngunit wala
Nang paki-alam kap’wa.
(Sanhi’y bantang salita.)

Nagbabaga ang mata
Ni Siga nang Makita
Sa kanilang veranda
Si Kisig, kumakanta.

Nakid’weto si Dungaw
Sa awiting kundiman
Ni Kisig na dayuhan.
Ngunit si Siga’y ayaw—

Dahil naninibugho
Sa namuong pagsuyo.

Raul Funilas
Abril 28, 2007
Sa Round Table
Ni Fil I. Manda

UHAW ANG LINAW NG TUBIG

Ang aking salita ay isang gulong
Ng along nakapinid na alaala,
Na siyang nag-iingat sa dalampasigan
Ng ating mga nakalipas.

Ako ay lumapit sa iyo at ibinulong
Ang ginintuang pangako sa iyong pananalig,
Ikaw ay nagpaubaya ng kapangyarihan
At kaluwalhatian.

Kakapiraso pang pangako ang aking inusal
Subalit higit kang naging mapagbigay
Sa aking matinding pagkauhaw sa buhay.

Tunay na walang hihigit pang alay
Sa tulad ng iyong hangaring:
Ginagawang labing nauuhaw ang aking buhay
At dinadalisay mong maging isang bukal.

Dito nakasalalay ang aking karangalan at ang gantimpala
Na tuwing paparoon ako sa bukal upang uminom—
Natatagpuan kong nauuhaw din ang malinaw na tubig;
Nilalagok niya ako at tinutungga ko naman siya.

Raul Funilas
Abril 28, 2007
UP-Diliman

MGA EKSTRANG ARTISTA

Ang mundo ng ekstra’t batikang artista’y
Hindi natutulog hanggang sa umaga,
Tiya’y walang laman ngunit laging bida;
Minsa’y milyunaryong laging walang bulsa.

Sa init ng araw may igkas ang lukso,
Sa gabing maharot may bitag ng tukso;
At tuwing pipikit ang pag tulog ang mundo’y
Walang makadikit na hilong kalbaryo.

Ngunitb sa sarili’y mayroong adhikang
Ang Sining ng Arte’y gusting idambana
Sa altar ng bayang ating dinakila,
Upang ipamana ang bakas na likha.

Ang lablab-dagitab laging nasa puso,
Kislap ng liwanag hindi maitago.

Raul Funilas
Benito Nieto Elementary School
Bgy. Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan
Sa shooting ng Barako
Abril 29, 2007

BAGOT NG PAGHIHINTAY

Lumilipad ang diwa kong sinundo ka aking mahal,,
At humiga sa gunitang iyong laging balintataw;
Hinihimas ang utak mong alam nitong napapagal
At di kita malimutang parang isang tudlang araw.

Bagot na ang alaala sa umaga’t sa tanghali,
Alipin nang pagkalungkot kagat –kagat ko ay labi;
Pinipigil ang pag-iyak nitong aking munting hikbi
Nahan ka na o mahal kong ubod-ganda kung ngumiti?

Nagagalak ang habagat ng ito ay nagbalitang
Naglalayag ka na mahal at pauwi sa Maynila,
Ang amihan ay gayun din kinalinga ng andukhang
Haplos nito’y nagbabantay habang ikaw’y nasa bangka.

Mamaya lang hatinggabi’y ikaw’y aking mayayakap,
Kung sakaling magkaroon nang sandaling makaluwas;
Upang ako’y dampulayan ng iyong awa at habag
Habang ako’y namamanglaw sa ginawa nating pugad.

Bgy. Muzon, San Jose del Monte City
Abril 29, 2007

NANG AKO’Y LISANIN MO

Sana’y iyong maramdamang yakap ka ng alaala,
Pinahimbing kang magdamag ng puso kong nangulila;
Hinagod ang iyong pagod ng gunitang nagdurusa’t
Hinimas ang iyong ulo ng luha sa aking mata.

Sinuklay ang iyong buhok ng daliring nanginginig,
Pinulbusan ang mukha mo ng alabok galing dibdib;
Hinugasan ang kamay mo ng labi kong sakdal nipis
Idinuyan ang loob mo ng isip kong nananabik.

Hindi ako ang naghukay nitong gabing ubod-lalim,
Kundi ang pagkakataong nagtanim ng takipsilim;
Hindi ako ang pumuyat nitong gabing di mahimbing
Kundi yaong alaalang namamahay sa ‘king piling.

Mulang noong umalis ka’y ang sandali’y di malimot,
Ang orasa’y nanunudyong hatakin ko’t nang malagot
Yaong bagting na sa kanya’y walang tigil ang pag-ikot.
Dahil ito’y humihilo sa lahat n’yang niloloob.

Ang umaga’y nanunubok sunong-sunong itong araw,
Nanunudla ang silahis sa ulo ng silanganan;
Naligo ang aking diwang nakatulog paghihintay
Bakit ngayo’y wala ka pa o mutya kong minamahal?

Ang tanghali’t dapithapo’y kinahunta nang malalim,
Ang bilin: Kung dumating ka’y ako’y agad na gisingin.

Bgy. Muzon, San Jose del Monte City
Abril 29, 2007

WINDANG ANG SARILING WIKA (Kina Idyanale at Amansinaya)

Bansang winindang ang Wika,
Kaawa-awa ang batang
Ayaw nang Wikang Banyagang
Higit ang lansa sa isda.

HIWA NG SALITA

Isa kang lalaking singaw ng panahong
Namigay ng mana itong panginoong
Walang inatupag kundi ang mag-ipon
Ng masamang gawang pambigay sa kampon.

Salitang minana’y hindi makakain,
Kahit na ng aso ng ibon o matsing;
Ang dila mo’y isang matalas na talim
Na ang hinihiwa’y kasuyong panimdim.

Kaya nga umiwas sa iyo ang lahat,
Wala kang kakampi kundi tungkod-ahas—
Na iyong panghampas sa sariling pakpak
Kapag ang paa mo’y hindi umaangat.

Di pa pumupurol ang iyong salita,
Kaya ang kasuyo’y nawala nang kusa.

Mayo 1, 2007
Fuego del Valiente
Isla ng Talim

AKO’Y MAGHIHINTAY SA IYONG PAGLAYA

Nang ako’y umuwi sa bahay mag-isa,
Kayraming gunita akong nakikita;
Pilit lumilingkis sa ‘king alaala
Mulang ihatid kang, kay-layo’ng pinunta..

Una kong namasda’y ang ating bubungan,
Ang nabanaaga’y may saklob ng lamlam;
Parang isang rehas ang pintong kawaya’t
Kapis na bintana’y hapis yaong ilaw.

Lungkot ang salubong ng ako’y pumasok,
Sa kama’y nagyakap ang unan at kumot;
Luhaa’t may hikbi ang kadera’t sandok
Tahimik ang basag na pinggan at mangkok.

Ang natirang damit sa ‘ting aparador
Na kupasing kulay—waring nagngunguyngoy
At ang salamina’y may kulabong lambong
Na ayaw matanaw aking dapithapon.

Sana sa pagsapit sa sadlakang takda’y
Maalala mo pang may nagpipithayang
Hindi magbabago ang bulong at sumpang
Ako’y maghihintay sa iyong paglaya.

Mayo 2, 2007

AWIT NG BARAKO (Para sa pelikulang Barako)

Sa paninilanghad ng hilatsa’t bikas,
Sasagupa baga ang talino’t lakas?
Ang pagbabarako ng tapang na hawak;
(Higit sa panganib) ay nagpupumiglas.

Katulad ay kapeng ang lasa’y mapait,
Ang timpla ay batay sa dila at bibig;
Ang puro’t dalisay kapagka nag-init
Asahang barako yaong paninindig.

Katulad ay bayang hilahod sa dusa,
Dahil sa pinunong nakaka-imb’yerna;
Asahang may laksang may bandilang pulang
Laging manlulupig barakong umasta.

Ang kape at tao’y akibat ang bansag
Kung nalalasahan ang tapang at sarap.

Mayo 2, 2007


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: