Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 26, 2007

APAT NA TULA NI TATA

HINDI KA LILISAN SA AMING ALAALA
(Kay Remy Caoleng)

Hindi maiwasan ang takdang panahon
Ng iyong paglisan. Ang isang kahapo’y
Laging magbabalik, parang dapithapong
May libong gunitang hindi itatapon.

Ganyan ka… O, Remy; parang isang gintong
Laging kumikinang ang lantay rahuyong
Kami’y magsumikap upang mapalago
Ang kaban ng aming humahangang puso.

Hindi ka lilisan sa ‘ming alaala,
Hindi mawawaglit ang mukhang kay-ganda;
Makulay ang kaway ng ngiting pag-asa
Saan mang tahanan na iyong mapunta.

Ikaw’y inspirasyon sa tuwi-tuwina,
Ikaw, ikaw Remy hangari’y ligaya.

Abril 26, 2007
Sa Round Table

BUKOD KANG PINAGPALA
(Kay Remy Caoleng)

Hindi ako magtatakang marami kang tagasunod,
Nakita kong ugali mo’y sadya itong namumukod;
May korona ang salitang hango sa kalugod-lugod
Na Bibliyang sakdal Banal na hiningi mo sa Diyos.
Saan ka man pumaroon kipkip mo ang pagpapala,
Dahil ikaw’y isang Pastol nitong mundong dinakila;
Ikaw din ang nagniningning sa pawiring tanging tala
Na tatanglaw sa landasin laksang Tupang kinalinga.

Abril 26, 2007
Fairview Park

TULDOK

Ako’y isang bantas sa maputing papel,
Na halos tupukin nang nagbagang tingin;
Ang di ninyo batid ako’y munting puwing
Tuwing sumasakay kay Igan kong hangin.

Doon sa ibabaw ako’y nakalagak
Sa gitnang patinig upang maging pakpak
Ng haliging titik. (Minsa’y lumilipad
Sa yungib ng inyong pulupot na utak.)

Ako’y bantas lamang ng huling salita,
At minamaliit ninyong dalubhasa;
Kung ako ay wala meron kayang wikang
Magiging makinis kapag may inakda?

Abril 26, 2007
UP-Diliman

MAY MANLILILOK

Bakit binabasag ng hangin ang ulap
Gayung sila’y kapwa kalat nitong lawak?
Bakit hinahampas ng alon ang dagat?
Mandi’y hindi batid na sila’y parehas.

Bakit gumagapang sa parang ang bundok
Gayung sila’y lalang, dating magkasukob?

Baikt lumulubog araw sa kanlura’t
Sa tuwing umaga’y muling sumisilay?
Ito ba’y nilikhang walang kapaguran
Katulad ng buwang gabi kung maglakbay?

Ay! Kahiwagaang lilitaw, lulubog
Sa kapaligirang may sadyang lumilok.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: