Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 25, 2007

LIMANG (5) SARI-SARING TULA NI TATA

NANG MAGDAMOT ANG ILAW NG GALAK

Wala nang lasa ang aking kinakain.
Mulang parusahan Ni Sakit Na Taksil,
Marami ang bawal kahit na si Asin
Dahil kung lunukin ay baka makitil.

Nagdamot pa sa ‘kin si Ilaw Ng Galak,
Kaya si Liwanag ay di mabanaag;
Buti pa si Lungkot lagi n’yang kausap
At si Kalumbayan ang gustong kayakap.

Mabuti pa kaya’y magbago’ng ugali,
Upang mapanuto ang isipang lungi—
Sa hilong layuning bumalik na muli
Si Dating Kangina’t Masayang Sandali.

Bago pa mahuli ang lahat sa buhay,
Itapon ko kaya si Masamang Asal.

Abril 25, 2007
Metro Manila Area

KABAONG ANG HULING SASAKYAN NG TAO
(Ghazal sa Magulong Mundo)

Kabaong ang huling sasakyan ng tao,
Sakaling umalis sa magulong mundo.

At pumailanlang yaong kaluluwang
Gustong maka-alis sa gulo ng mundo.

Kandila sa altar ay laging may ningas,
Laan sa pag-alis sa nagulong mundo.

Di sapat ang dasal upang makarating,
Simulang umalis sa ginulong mundo.

Ang puntod ay puti’t ang laman ay bulok
Ng hindi umalis ang gulo sa mundo.

Hayaang maglakbay, sinakyang kabaong,
Upang maka-alis sa gulo ng mundo.

Abril 25, 2007
Ortigas Avenue

TALULOT SA AKING DUYAN

Saktong limang buwan kay-sayang nilibot
Ang landas ng harding may lantang talulot,
Doon ay nakitang kay-daming himutok;
Upang ang halaman ay hindi tumampok.
Yumukod ang usbong ang dahon ay lanta,
Ang ugat ay tuyo, nabali ang sanga;
Ng aking hawakan ay lumuha siya
Gulat ang isip ko’t dibdib ay kumaba.
Hinawan ko’ng punong lumukob sa hardin,
Ang dahon at sanga’y naroong haplusin;
Rosas na talulot ay aking inaliw
Dagling sumariwa’t kay-gandang tanawin.
Ikaw na talulot aking iduduyan,
Nais kong malanghap habang nabubuhay.

Abril 26, 2007
Filinvest Land
Metro Manila

MAMHID

Palaging ngimay ang katawan,
Ang pagkai’y di malasahan;
Rindidong utak, walang laman
Ang tungkod ang laging alalay.
Lahat nang bulong ay narinig,
Isinisi lahat sa langit;
Tumutumba kapag tumindig
Inis na inis sa pag-isip.
“Kasalanan ko ba ang lahat?
O, ako’y masamang di hamak?”

Abril 25, 2007
Fairview Park, QC

NANG UMAKYAT SI HESUS SA LANGIT

Ang talim ng kidlat ay hindi malinaw,
Hindi maibuhos ang kandong ng ulap;
Dagundong ng kulog ay di nakasigaw
Hindi nakasimoy ang hanging habagat.

Hindi nakahuni ang ibon sa puno,
Ang manok sa puya’y di nakatilaok;
Ang apoy sa kalan ay di nakaluto
At ang bahaghar kulay ay tagipos.

Tumigil pagsisid sa tubig ang isda,
At nakatingala yaong perigrinong
Hindi kumakain, takot at tulalang
Dahang isinaboy sa hangin ang abo.

Lahat ay namangha sa buong paligid,
Nang hubong umakyat si Hesus sa langit.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: