Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 23, 2007

LIMANG (5) TULA SA OSPITAL

BARADONG BATO
(Operasyon: Nyphron)

Sa pasilyong landas busilak ang kulay
Habang nakahiga sa kamang may gulong,
May banyagang ningas dito sa ospital—
Hapag operasyon. May usal ang Doktor:

”H’wag pong magugulat kung iyong marinig
Ang ganitong tunog:” Tsak! Ingay nang hugot
Nitong heringgilyang may lamang pamanhid,
Na sa aking bato’y kanyang ituturok.

Agad pinahiran ng jelly’t iodine
Ang aking likuran habang sa ultrasound
Doktor sa monitor malirip ang tingin.
Sabay bigkas ng: Fire! At ako’y mulagat!

Nang mahimasmasa’y tila may barenang
Kumuhit ng laman sa baradong bato.
Tuluyang pumikit ang kambal kong mata
Habang ang “Attendant” ako’y asikaso.

NKTI Operation Room
Abril 21, 2007

NANG MABINGI ANG KATAHIMIKAN

Habang ako’y nasa pribadong silid.
Naririnig ko ang buga ng hanging malamig
Na sa aking katawan ay nagpakaligkig,
Waring pinupukaw ang limang kong isip.

Naririnig ko ang yabag ng mga attendant,
Ang hishis ng tambo ng janitor at mop,
Ang pambomba ng blood pressure ng Nurse;
Ako’y kinakabahan pag ang doktor ay nag-uusap.

Naririnig ko ang alatiit ng kama at diban
Tuwing humihiga ang katawang lupaypay,
Habang nagkikirutan ang lamang sugata’y
May isang alaalang hindi ko malimutan.

Ang pananabik kong marinig ang hikbi ng lungkot
Ng aking Mahal na nananalangin sa Amang Diyos.

Abril 21, 2007
National Kidney Transplant Institute
East Avenue, Diliman, QC

BATO-BATO SA LANGIT

Biyenan, biyenan, huwag maki-alam
Sa gimik ng anak at iyong manugang,
Sila’y naglalakbay sa sariling buhay
Papunta sa grasyang sila ang tatangan.
Manugang, manugang, seksi pa si B’yenan,
Baka malimot mong anak n’ya si Hirang;
H’wag mong sisilipin kapag nagbabanlaw
At baka makitang may asim pang taglay.

Ay! Hipag, ay! Hipag, h’wag hingi ng pera
Kay Bayaw na baon papuntang es’kwela,
Baka pag wala nang laman ang ‘yong bulsa’y
Payag kang maangat ang palda at blusa.

Manugang at Bayaw,Biyenan at Hipag,
Kapag magkasama’y may lungkot at sarap.

Abril 22, 2007
NKTI Diliman

(E)LEKSIYON NA NAMAN SA BAYAN KO

Ospital, ospital, bakit ka ba ganyan
Laging ang ‘yong silid ay may karamdaman?
Wala bang panlunas nang upang maibsan
Ang bulas ni Huwang laging walang laman?

Ay! Doktor, ay! Doktor, bigyan mo nang gamot
Ang nahilong ulong laging na-uuntog,
Tuwing ang halalan ay biglang susulpot
Na ang pulitiko’y may pangakong bulok.

Kandidatong gunggong, pulitikong pulpol,
Na panay pangako sa taong hahatol;
Ngunit pag nagwagi sa bayang eleks’yon
Ang kaban ng bansa ang dinadaluhong.

Botante, botante, kayo ay matutong
Tuwing may eleks’yon ay inyong iboto,
Yaong may damdaming kaparis ng santo;
Nang umusad naman milyong Pilipino.

Abril 23, 2007

NITSONG PUTI NG NOBYEMBRE

Isa kang nitsong puti
Sa buwan ng Nobyembre.
Sa labas ay may ngiting
Palaging napupuri.

Subalit pag nabuksan
Doon ka matatantong
Mabahong alingasaw
Ang iyong itinago.

Ganiyan ka Galatok
Sa tingin ng ‘yong liyag,
Na labit ay himutok
Sa dal’wang siglong singkad.

Kaya ang kanyang luha’y
Pina-agos sa lawa.

Abril 23, 2007


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: