Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 18, 2007

TATLONG TULA SA BUWAN NG ABRIL

SARI-SARING KULAY ANG INYONG PAG-IBIG

Sari-saring kulay ang inyong pag-ibig.
Ang lungti ang siyang kahagwis ng tubig,
Lalo’t may pagkirot sa hapis ng dibdib;
Ang pusong nagtimbol sa linaw ng batis.

Ang bughaw ang wagas, tapat kung lumiyag,
Ang laksang layuni’y sinlalim ng dagat;
Parang pagmamahal sa bayang nasadlak
Noong ang panaho’y may asap ang ulap.

Ang pula ay dugong dumaloy sa punyal,
Ng lilong pag-ibig kapag nalulumbay;
Malalim ang sugat ulos ng kampilang
Pumahak sa dibdib at dila kong utal.

Ang kahel ang tanging may pukyot pag hinog,
Lutang ang luningning ng samba’t pag-irog;
Tulad ay kanlurang banayad lumubog
Ang ngiting iniwa’y kayraming pumulot.

Dilaw ang kilyawang may selos na dala,
Dapithapong huni’y tila nagbabadyang
Iilap na muli ang kuhilang sinta—
Kapag nakakita’ng pinilakang hawla.

Sakbibing nagluksa’y pag-ibig ng Itim,
Mulang hinadlangan dakilang hangarin;
Kayong magkasuyo’y nagpasyang magkitil
At sabay hinigop ng balong malalim.

Raul Funilas
National Kidney Transplant Institute
East Avenue Diliman Quezon City
Abril 18, 2007

ANG UTOS
(Kadenado’t Kondenado)

May isang lalaking takot na nagtago
At ayaw padakip sa gawang pangrereyp.
Tinawag ng Puno ang piling bilanggong
Yayat ang hitsura’t halatang may sakit.

Agad na nag-atas at tutugaygayan,
Gaano mang hirap ang kanyang suungin.
“Tandaang mabuti…Balik bilangguan!”
Ulos na salitang mata’y nanduduling.

“Gumagawa ito ng lihim na landas
At higit bihasang parang may sa palos.
Yabag ay pakingga’t tatagan ang matyag,
Gayahin ang mata nitong ibong banug.

Agad na dakipin kung siya’y makita’t
Yariing tahimik kapag umaalma.

Raul Funilas
Abril 18, 2007
UP-Diliman

BAKIT MO SINALING ANG BIRHEN

Bawat araw na lumipas didoso kang naglililok,
Munting kilos ng kasuyo’y marindi ang pagseselos;
Dahil isang bagay lamang sa utak mo’y pumapasok
Mulang una mong kinubkob walang tapang na tumagos.

Nagdurusa yaong birheng walang muwang sa naganap,
Maging siya’y nagtatakang bakit walang pulang natak;
Sa sanlibong naitala sa libro ng laksang pantas
Sadyang merong nagkikipkip yutang sakit at bagabag.

Ugali mo’y naging hayop ang akusa’y masasakit,
Gayung ikaw ang naunang pumasok sa kanyang dibdib;
Nang iluwal munting anghel salita mo’y mapapait
Hindi sa ‘yo ang inutil na sumilang sa daigdig.

At naghusga ang Itaas sa dimonyo’t tampalasan,
Tinudla ka ng palasong lason sa ‘yo habangbuhay.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: