Ipinaskil ni: Raul Funilas | Marso 25, 2007

Mga Tula ni Tata

Tulang Ghazal
(kay RTA)

Raul Funilas
27 Abril 2006

Taludtod ay ihanay nang dala-dalawa,
Upang ipakilalang tula ay mahalaga.

Lumikha ng salitang may aral at matuwid
Ang pagpapakilala sa tulang maghalaga.

Naimbento’t lumagap sa may Gitnang Silangan.
Gumapang, nakilala ang tulang mahalaga.

Gusto kong gumagawa sari-saring balangkas,
Hayaang kilalanin ang tulang may halaga.

At lansihin, ilihis. Tila hilong pagsubok;
Zigzag na makilalang may tulang mahalaga.

Aking ipaparangya’t bulkang padadaluyi’y
LahaR, nang makilalAng tUlai’y mahaLaga.

Layaw Ng Magdamag

Raul Funilas
27 Abril 2006

May gatong lagablab ang binat ng tukso,
Gayung ubod panglaw ang gabing pusikit
Umaaling ganap. Tindig balahibo!
Ang buto’t kalamna’y kambal kung mangigkig.

May layaw ang takam sa katam ng laway,
Dahil sa malibog ang limbong mabilog.
Ay! Kuryat na puson! Hayaang tiwangwang
Ang gabing nauga ng utog at kaplog.

Kung si Magdalena sana ay darating,
Lagnat mo’y huhupa sa siil ng labi;
Parang nasalungkit ang lambiting bitwin
Ang hamog na harot mapupuno’ng ngiti.

Huwag mong tatabingan ang buwang liwanag,
Di pa natutuklap ang binat ng lagnat.

Nang Matakot Sa Pungos

Raul Funilas
27 Abril 2006

Panahong bakasyon ang bata’y nagkumpol
Sa dalampasigang may gulong ng alon,
Sa palad ay kimis ang sariwang dahong
Ngataing bayabas. Magpupungos-palong.

Yaong Magtutuling may singkaw panangkal
At labahang pangal may bahid kalawang.
Ang unang sumalang ay ubod nang tapang,
Subalit nangurong namuo’y atungal.

Nang biglang dumiklap ang talim ng kidlat,
Lahat naalag-ag sa lakas nang iyak
Ng unang pinungos. Patakbong tumiyad
Kanya-kanyang pulas! Dagliang tumakas.

Kaya naglipana ang lalaking supot,
Sa Kamatsilihang malayo sa lungsod.

Kaganapang Kagampan
(Sa Unang Libro)

Raul Funilas
27 Abril 2006

Naggawad bendisyon ang Dakilang Pantas,
Sa kanyang Sakristang kasama’y Tarikan;
At ang naging saksi’y Dalawang Alagad
Na dating umingos sa benindisyunan.

Kipkip Manuskrito’y dinala sa Moog
Na Kutang Gilingan ng pahinang akda.
Agad sinalubong ang aming pagkatok
Ng isang Babaing hagwis sa Diwata.

Talisik ang titig. Ako’y sinusuring
Tila ipupugon sa kumulong langis.
Tarikang retina’y sulyap ay papuri,
Na akong kasangga’y Makata ng Tubig.

May lihim ang ngiting hinaplos ang ulo’t
Ako’y pinutungan ng Laurel at Setro.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: