Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 8, 2007

Halugaygay Sa Dalampasigan (kay Mahal)

Hindi ako gaanong nagmamadali tulad ng sigwada,
Subalit dapat na akong lumisan sa aking dalampasigan.

Akong isang manlalakbay, na laging naghahanap ng lalong malungkot na daan
ay hindi nagsisimula ng bagong araw sa dalampasigang pinagwakasan ko
ng nagdaang araw; at hindi ako inaabutan ng pagsikat ng araw
sa dalampasigang pinag-iiwanan sa akin ng lumubog na araw.

At kahit sa oras na natutulog ang mundo, ako’y naglalakbay.
Ako ang binhi ng matatag na puno at sa aking kahinugan at kaganapan ng puso,
ako ay ipinauubaya sa hangin at ikinakalat sa dalampasigang pangarap.

Maikli lamang ang panahong inilagi ko sa iyong dalampasigan,
at mas higit pang maikli ang pananalitang ibinubulong ko sa iyo.

Ngunit kung sakaling maglaho man ang aking tinig sa iyong pandinig
at maparam ang aking pag-ibig sa iyong alaala, ako ay muling magbabalik.
Na taglay ang higit na mayamang puso at mga labing higit na mapagpaubaya
sa iyong kaluluwa, ako ay mangungundiman sa dalampasigan ng puso mo.

Oo, ako’y magbabalik na nakaangkas sa alon.
At kahit ako’y pumanaw na dala ng hangin, at yakapin ng matagal na katahimikan,
muli kong hahanapin ang iyong pang-unawa.
At hindi mawawalan ng saysay ang aking paghahanap,
Sa dalampasigan ng iyong alaala.

Kung anuman ang nawika ko ay siyang katotohanan,
ibubunyag ng katotohanang ito ang aking sarili
sa lalong malinaw na tinig at sa mga salitang mas malapit sa iyong isipan.
Ako ay sasama sa hangin, sa ipoipo, sa uli-uli hatid ng balantukang bahaghari.

At kung ang araw na ito ay hindi katuparan ng iyong pangangailangan at aking pag-ibig, hayaang ito’y maging pangako hanggang sa kabilugan ng buwan..

Ang mga pangangailangan natin ay nagbabago,
ngunit hindi ang ating pag-ibig ni ang pagnanasang tugunin ang ating pag-ibig
at ating pangangailangan. Ang ulap na lumalayo sa pagbubukang liwayway
na walang iniwan kundi perlas na hamog sa dahon ay papailanlang
at magtitipon upang maging dagim at pagkatapos ay babagsak na isang ulan.

At ako ay hindi naiiba sa ulap.

Katahimikan ng gabi,
lumalakad ako sa iyong lansangan,
at ang aking kaluluwa ay papasok sa iyong tahanan.
Ang pintig ng iyong puso ay nasa aking puso,
at ang dampi ng iyong hininga ay nasa aking mukha.
Oo, nakilala ko ang iyong kagalakan at pagdurusa,
at sa iyong pagtulog at pagninilay, ang iyong pangarap ay akin ding pangarap.
At madalas na tila ako’y isang lawa sa piling mong parang isang bundok.

Sinasalamin ko ang iyong kaituktukan at ang likaw-likaw mong mga gulod at dalisdis, pati ang mga nagdaraang kawan ng iyong pag-iisip at ng iyong mga pagnanasa.

At sa aking katahimikan, dumating ang halakhak sa talon at batisan
na tila nagmimithi kang maligo sa kabataan ng mga ilog at batis.

At nang dumating ako sa iyong kalaliman,
ang iyong batis at ilog ay walang tigil sa pag-awit.

Oo, tayo ay halintulad ng isang karagatan, may dalampasigan.
At doon sa dalampasigang iyon aking mahal,
tayo’y maghahalugaygay.
Hanggang sa lumubog ang nakangiting araw sa ating paroroonan.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: