Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 7, 2007

May Sariling Batas Ang Pag-ibig

Tayo ay nasisiyahan sa pagbababa ng mga batas,
Subalit higit tayong masisiyahan sa paglabag dito.

Tayo’y mga batang naglalaro sa dalampasigan
Na nagtatayo ng paulit-ulit ng kastilyong buhangin
At makaraang mabuo’y may halakhak na winawasak.

Ngunit habang nilililok ang kastilyo’y naglalabit
Ang karagatan ng higit pang maraming buhangin
Sa dalahikan. At kapag winawasak natin ay panabayang
Humahalakhak ang karagatan.Tunay na ang karagatan
Ay laging humahalakhak kaangkas ang kawalang malay.

Anong masasabi natin sa kanila na nagpapalagay na ang buhay
Ay hindi isang karagatan at ang mga batas na gawang tao
Ay hindi mga kastilyong buhangin?

Ipagpalagay nating ang buhay ay isang bato, at ang batas
Ay isang pait na ipinang-uukit sa ating sariling katawan.
Isang kalabaw na minamahal ang sariling pamatok
At nagpapalagay na ang usa at labuyo’y mga ligaw
At lagalag na bagay. Isang ahas na hindi makapaghunos
Ng balat at kung turingan ang iba’y mga lastag at walang kahihiyan.

Sila yaong nakatayong nilalang sa liwanag ng araw, ngunit
Ang kanilang likod ang kaharap ng araw. Nakikita lamang nila
Ang kanilang anino, at ang mga anino nila ang kanilang batas,
At ano ang araw sa kanila kundi isang nagbibigay ng anino.

At ano ang pagkilala sa batas kundi ang yumukod at bakasin
Ang kanilang anino sa lupa? Subalit silang lumalakad nang nakaharap
Sa araw,anong mga larawang nakaguhit sa lupa ang makapipigil sa kanila?
Tayong naglalakbay kasabay ng hangin, anong habiling magtuturo sa atin
Ng landas? Anong batas ng tao ang magtatali sa atin kung wawasakin
Ang lahat ngunit hindi sa pinto ng bilangguan ninuman?

Wala tayong dapat katakutang batas kung tayo ay magsasayaw
Ngunit hindi matatalisod sa kadenadong bakal na ikinandado sa atin.
At sino silang magsasakdal kung sila ang pumunit ng ating damit
At iniwanan sa landas ng kaligaligan?


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: