Ipinaskil ni: Raul Funilas | Disyembre 11, 2006

Talumpati: Halugaygay Sa Dalampasigan

Binigkas sa 2006 Book Launching Part 2 ng UST Publishing House
Thomas Aquinas Research Complex Auditorium
Espana, Metro Manila

Halugaygay Sa Dalampasigan

Ni Raul “Tata” Funilas

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Una sa lahat: Sa Panginoong Maykapal—
Sa katuparan ng aking mithing pangarap,
Ang magkaroon ng sariling aklat.

Masasabi kong ito ay isang hindi malilimutang bahagi ng aking buhay, ang iluwal ang una kong librong Halugaygay sa Dalampasigan.

Dahil ito ay isang lapidang kahit bawiin ng ating Panginoon ang aking buhay ay isa nang tatak na hindi na kayang burahin sa magdaraang napakahabang panahon.

At lipos din ang aking pasasalamat sa mga taong naging kasawili kong gumanap para sa katuparan ng isang nilalayong pangarap.

Sa mga taong naging tagapag-udyok na tunguhin ang tamang landas upang marating ang sinasabi kong pangarap. Sina Prof. Vim Nadera ng UP-Diliman na siyang kapural para dalahin sa UST Publishing House ang aking manuskrito bagama’t may maninipis na balakid ay nasuhayan naman ng pinakabatang Hall of Famer ng Palanca Awards na si Tarikang Roberto T. Anonuevo. Ang kaniyang nakagigiyaot na bulong ang tumahi ng Paunang Salita sa unang pahina ng Halugaygay sa Dalampasigan at matiyagang binuliglig ang bawat tulang nanimbulan sa dalampasigan ng lawa ng Laguna, doon po sa amin sa isla ng Talim upang makarating sa maiinit na tiklado ng makina dito sa UST Publishing House.

Kay dating Direktor Mechiline Intia Manalastas sa kaniyang pag-urirat sa bawat salitang nakapaloob dito. Kay Ginang Maribeth Anonuevo na nagdisenyo ng libro, kay Bong Bundang sa kaniyang malikhaing disenyo sa pabalat, kina Ma’am Aimee, Raul Lajara at sa lahat ng staff ng UST Publishing House. Sa pangunguna ni Direktor Jocelyn Calubayan.

Sa dalawang Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura na sina Virgilio S. Almario na siyang nagdilig sa ugat ng aking talinghaga at Bienvinido Lumbera na dating katungkabang bumigkas ng tula sa entablado ng panulaan na hindi nagkait ng kanilang mahahalagang mensaheng ibinalabal at pinahakab sa likod ng Halugaygay Sa Dalampasigan.

Kina Haring Teo T. Antonio, Diwata ng Angonong si Madam Gaying Tiamzon Rubin, Prof. Vim Nadera at Abdon “Jun” Balde na nagkaloob din ng mahahalagang blurb sa Halugaygay Sa Dalampasigan. At kay Atty. Redemberto R. Villanueva na tagapagtaguyod ng aking mga lilok na iskultura. Kay ka Willy Boncaron at Rosemarie M. Ydia na masigasig kong tagasuporta.

Sa mga grupo kong kinaaanibang: Bigkis Sining Binangonan, Neo-Angono Artists Collective, Emanilapoetry Poets, Kamakatahan Poets, Pinoypoets, Timog Collective Poets, Bandolero Band at Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA).

Sa aking anim na naging supling, apo at asawa. At higit sa lahat sa aking natatanging ama na si Antonio Tiburcio Funilas na siyang naging dahil upang pahirin ko ang luha ng alon sa dalampasigan ng aking panitik.

Malugod ko po kayong hinihikayat na tangkilikin… sempre bumili ng aking Halugaygay sa Dalampasigan, dahil, sapagkat, datapuwa’t subalit…kumbaga’y isang putahe ng ulam o pagkain ang aking inihahain sa hapag ng inyong kambal na mata..

Tikman ninyo ang aking nilutong salitang binangkay na nang makabagong panahon, ibinabalik ko ito na mas masigabo sa makalumang salita subalit nasa anyo at balangkas ng makabagong panahon.
Marapat lamang ninyong lasapin, namnamin ang bawat taludtod at titiyakin ko sa inyong hindi ninyo malilimutan ang isang makatang Sampay Bakod na ngayo’y nagpapalagablab ng mga nawalang gunita at katutubong wika sa ating makasaysayang bansa. Isang lantay na gintong hindi dapat mawala sa panitikang Filipinas. Marami pong salamat.Disyembre 6, 2006 UP-Diliman.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: