Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 11, 2006

Tulos sa Laot (Ako Iyong Kawayan)

Ako Iyong Kawayan

Raul Funilas

Ako ay kawayang sintayog ng bundok,
Taga sa panaho’y hindi binubukbok;
Lalo at mabantod at maging palipod*
Sintibay ang buhay ng antigong huklob.

Ako’y ibubuwal ng bingut na itak,
Saka isasangat sa kalyong balikat;
Dadanlay-danlayin ang patpat-kayakas
Sa liyab ng araw hilerang ibilad.

Ako iyong patpat pamalo ni ama,
Sa bubot na isip ng pagkakasala’y
Latay na bumakat ang bahid na pulang
Siyang magmumulat nang bait at pita.

Ako iyong papag doon sa may lungki**,
Likod na humiga’y iba’t ibang uri;
Merong bumibiling minsa’y lulupagi
Kaya nagagalit ang pakong nag-usli.

Ako iyong balsa sa batlag ng batis,
Na ang lumululan ay ada’t adonis;
Tundong panibulos kay-habang hagikhik
Doon magtitimbol ang hulmang pag-ibig.

Ako iyong gayak endramadang kalye,
Sa kulturang Pinoy na pinintakasi;
Sa pista, sa kasal bantayog na toreng
Pinagpupugayan sa mithing maani.

Ako iyong gamit ng musikong bungbong,
Sari-saring himig ang isinisipol;
Doon sa Las Pinas ako’y pyanong kampeon
Iisa sa mundong musikang balumbon.

Ako iyong bakod matibay na puno,
Sa halong malawak ng inyong ninuno;
Panaho’y inagnas ang dapong siphayo
Marupok na tuod natumba sa tayo.

Ako iyong baklad tangkil ng ‘yong amba,
Na pinagkukunan ng sariwang isda;
Minsan ako’y tikin ng payapang bangka
Bural ng tarupit sa kalmanteng lawa.

Ako iyong taklab at bubong ng bahay,
Tulog na mahimbing hindi mapupukaw;
Tahimik ang patak ulang kalawakan
Alulod ang giya papuntang tapayan.

Ako iyong sasag sa dampa’y pantabing,
Sa ginaw at init na buyog ng hangin;
Kay-inam pagmasdan nang inyong paningin
Glosang kumikislap sa hilong panimdim.

Ako iyong tulay doon sa may dulo
Ng nayong maraming kasaysaya’t kwento,
Nagsilbing ugnayan banyaga’t pagano
Kaya may pag-unlad ang tao sa mundo.

Pebrero 20, 2006
UP-Diliman

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: