Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 11, 2006

Takyo (Ang Maniniking gustong humataw kay Kristo)

TAKYO
(Ang Maniniking gustong humataw kay Hesukristo)

Nasa proa ng bangka si Takyo
Ang maninikin
Nagmukha siyang maglalayag

Sa suot niyang talukbong
Na mata lamang ang nakikita
Tumindig siya’t pinakalirang
Ang kanyang makalyong palad.

Animo’y may tinatanaw
Sa dakong unahan ng aming nilalandas
Papunta sa isla ng Talim.

Nasisilaw lang pala sa sikat ng araw
Sa bumabaldig na kislap
Ng araw sa kalawaan
At sa bubungan ng covered court
Sa Baranggay Janosa,Binangonan, Rizal.

Dagdag pang nakakapikit sa kanya
Ang animo’y brilyanteng bubog
Sa lawang kina-aangkasan
Walang tigil ang kislapan
Lalo’t nirurumbo nang tumitiyad na alon
At pabugso-bugsong hinihipan
Ng saginsing habagat.

Minsa’y dumidipa si Takyo
Pinalalambot ang kunday ng kamay
Senyas niya sa timunero
Kung kakanan o kakaliwa ang bangka
Lalo’t dinadamba ang gimbol ng waterlili
Ng bangkang de motor
Na aming kinalululanan.

Minsa’y pumapadyak ang kaliwang paa
Senyas na itigil ng biglaan ang bangka
Sa pamamagitan ng pagkambiyong paatras
Upang makaiwas sa sasalpuking batuhan
O sa kongkretong pritil na daungan.

Kung hindi mapigil ang salida ng bangka
Sinusuwag niya’t pinapasan ang kupirol
Upang maiwasang magasgas ang dahit
Matining ang iting ng kaniyang panga
Napapangiwi siya sa hirap.

Gumigiyaot lamang ang tigtig ng puso
Sa tuwing pumapako sa isip ang mga anak
Na sa kaniya’y may kasabikang naghihintay.

Kailangan niyang pasanin ang bangka
Upang matubos ang tatlong kasalanang
Laging kumukubabaw sa dulang
Ng kanilang munting dampa
Agahan, tanghalian at hapunan.

Halintulad kay Hesukristo
Na tumubos ng yutang kasalanan.

Siya’y isang ginoo na sanay na sanay
Sa lahat nang hirap na iniaatang sa kaniya
Taga Baranggay. Ginoong Sanay
Sa Binangonan Rizal.

Doon sa isla ng Talim
At pusod na nunal
Ng lawa ng Laguna.

Siya ang taga buhat
Ng dala-dalahan
ng mga palengkera.

Tagapas-an sa lahat ng arganas
Ng ligating digaton .
At ng taong may dinadamdam
Sa katawan.

Nagiging taga-hataw na rin
Sa lahat ng hayop na iniluluwas sa bayan.

Pinagpapawisan ang buong katawan ni Takyo
Gayong nakababad ang kaniyang mga paa sa tubig
Gayong ang sigid ng hangi’y nakakapangigkig.

Laging nakangiti si Takyo
Pambighani sa mga pasaherong
Sakay ng pinaninilbihang bangka.

Palabiro si Takyo.
Birong may halong katotohanan.
Minsang ako’y kinahunta’t binulungan.
Litaw ang kaniyang ngiping malalaki na may salit na ginto.

Malaki na daw ang kanyang karanasang humataw
Gusto raw niyang sumama sa aming grupo,
Sa aming Senakulong Gala
Sa isla ng Talim.

Tuwing sasapit ang Biernes Santo
Nakita niya kaming nagpapalabas
Sa lugar nila ginagawa ang isang estasyon ng Krus
Kung saan walang humpay ang mga Hudyo
Sa paghataw at pagpapahirap
Kay Hesukristo.

Gusto raw niyang sumapi sa amin
Sa isang kundisyon
Siya raw ang haharumba ng hataw
Sa aming Hesuskristong huran ang krus
At inililibot sa mga barangay ng isla.

Siya raw ang magpapahirap kay Hesukristo
Upang mamanhid ang buong katawan
Upang di makagulapay sa ihahaplit niyang mga ulos
Upang maramdaman ni Hesukristo ang lahat nang hirap
At sa hirap na kaniyang ipalalasap kay Hesukristo.

Baka sakaling makita ni Hesukristo ang kaniyang pasakit
Baka daw makita ni Hesukristo ang kaniyang hirap at hilahil
Magbabakasakali na sa hagupit ng hataw niya
Ay maibsan ang mga hinanakit sa buhay
Na kaniyang kinakalungkong
Mahigit kalahating sentenaryo na ang nakalilipas.

Ubod ng tagal ang kaniyang pagmamasid
Ubod ng tagal ang kaniyang pagdarasal
Ubod ng tagal ang kaniyang pagtingin sa araw
Doon sa kanluran ng kaniyang buhay.

Minsan din niyang pinakiusapang masidhi ang araw
Na huwag ng sumikat
Ang bukang liwayway
Kung lagi at laging nakadagan sa kanya ang krus
Na binuhat ni Hesukristo.

Sa Mahal na Araw
Manood kayo
Si Takyo ang hahataw kay Hesukristo
Doon sa hugis balaraw na pulo,
Ang isla ng Talim
Na napuputungan ng matayog na bundok
Ng Susong Dalaga

Alay kay G. Takyo Aragones
Maninikin
Taga Bgy. Ginoong Sanay, Binangonan Rizal

Tata Raul Funilas l
Marso 6, 2004
Sa laot ng isla ng Talim


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: