
Pagduong sa pritil
src=\”https://tataraul.files.wordpress.com/2009/06/1163258684-hr-13.jpg\”
Mga batang taga isla ng Talim sa Barangay Habagatan, Binangonan, Rizal
DALIT SA ISLA NG TALIM
(Ang lugar na pinamiwasan ni Gat Jose Rizal)
Raul Funilas
Halina kayo sa amin,
Dito sa pulo ng Talim;
Maranasa’t tamasahin
Ang paghimay ng ayungin.
Dito’y matayog ang bundok
Ng Susong Dalagang irog,
Sa lawang Lagunang pusod;
Ang isda’y nagkakaribok.
Ang lawa nami’y malinaw,
Bahagharing balantukan
Ang dito ay nagbabantay
Sa buhawing tampalasan.
Ang sigwang hanging habagat,
Amihan, timog, sabalas,
Salatan at hibas-lakas;
Naglipana’t umaangkas.
Dito ay nag-aawitan,
Sari-saring ibong ligaw,
Pagatpat, langaylangayan;
Tigmamanuki’t kilyawan.
Ang alon dito’y malikot,
Sa wawa ay humihilod;
At kung minsa’y nananalpok
Sa libag na umaanod.
May waterliling nagkalat,
Parang orkidya’ng bulaklak;
Taguan ng hipo’t dalag
Gumigimbol ang pag-indak.
Saginsin din utintikiw,
Yupyupan ng ibonsisiw;
Bukirin kung lumaginlin
Sa lawa kong tumatabsing.
Natitimbon kutong-bwaya,
Sa lambaking naglilila;
Ang duhol ay nagigitla
Sa kalabukab na dala.
Lihiya ay nagbiberde,
At taliptip na makati;
Lumot ay anyong bigote’t
Ang banlik ay nasa kati.
Sumusuba’y Maninibog,
May tikin pang panibulos;
At parilong na panlaot
Pinadadalit ang tulos.
May huran ang Mananakag,
Sinusuro’y isdampusag;
Sa digmana’t laksang sintas
Pang-abdong gutom sa anak.
Taga Talim ay magiliw
Sa dadayong panauhin,
Tiyak kayo ay titikim;
Lutong bigay nang damdamin.
Kaya kayo ay halina,
Dito sa kay gandang isla;
Ayon sa lumang historya
Si Rizal ay nakapunta.
Oktubre 26, 2005
Pulo ng Talim
Mag-iwan ng Tugon