Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 8, 2006

Entry for November 08, 2006

YOLAK, ANG BATA SA LAWA
Tata Raul Funilas

Pitong taon na si Yolak, taga Hugis Balaraw na Pulo sa gitnang bahagi ng lawa ng Anugal. Kayumangging kaligatan ang kaniyang kutis at hanggang balikat ang malagintong buhok.

Anak siya nina Ayel at Amal, mga taal na taga Hugis Balaraw na Pulo sa may gawing kanluran. Tuwing sasapit ang gabi, bago matulog si Yolak ay kinukuwentuhan siya ng kaniyang inang Ayel habang nakapatong ang ulo nito sa bisig ng kaniyang amang Amal.

“Malinaw na malinaw ang lawa noon,” sabi ng ina niyang Ayel, “Diyan kami sumasalok ng aming iniinom sa tabing dalampasigan , gatuhod lamang ang lalim nang iniigiban namin at ubod nang daming isda noon, sinasalapsap lamang namin ng aming dalawang kamay ang mga biya, ayungin, hipon, bulig, at gurami. Dalawampu at tatlong lahat ang klase ng isda noon dito sa lawa. Ang dalampasigan ay puting-puti ang buhanginang kakulay ng alapaap sa papawirin, diyan kami naglalaro tuwing gabing maliwanag ang buwan ng tubigan, hagaran, taguan at minsa’y halugaygay.

Sa tuwing panahon ng tag-habagat, naglalaro kami ng elising patitig na kawayan, iniyayasyas at idinadanlay kami ni lelong Lolaw mo ng taga sa panahong kawayan para matibay, ang iba naming kalarong mga bata noon ay borador naman ang pinalilipad.” Sabad ng ama ni Yolak. “Iginagawa din kami ng paraw-parawan ni lelong mo at kami’y nagkakarera doon sa may dunggot.” Patuloy na kwento ng kaniyang ama.

“Gumagawa din kami ng balsang kawayan kapagka umiihip ang hanging dayaray, ito ang aming sinasakyan kung kami’y namamasyal tuwing linggo sa laot. May aliw at ganyak ang ganda ng hugis ng aming pulo, kay gandang masdan ang hugis ng aming pulo dahil ang kabundukan nito ay natataniman ng naglalakihan at malalabay na puno, walang patid ang liparan ng mga sari-saring kulay ng ibon, ang kaparangan naman ay nagagayakan ng mga ligaw na halamang kay gaganda ang bulaklak at walang tigil ang paglipad ng mga paparo at mariposang napakagaganda nang kulay.

Ang maninikin o tumutundo sa balsa ay ang lelong mo at sa tuwing hihimpil kami sa kalautang bahagi ay sinasabayan niya nang pangangapa nang matataba at malalaking kanduli sa laot. Iyon ang iniuulam namin sa pananghalian namin sa gitna ng laot. Diyan sa dalampasigan kami naliligo at walang sawa naming sinasalubong ang mga along yumayakap sa amin.” Hanggang sa makakatulog nang mahimbing si Yolak.

Isang madaling araw, sabay na gumising si Yolak sa kaniyang inang Ayel. Bagama’t bata pa si Yolak, tumutulong siya sa kaniyang inang Ayel sa paglilinis ng kanilang paligid, nagwawalis siya at ang kaniyang naiipong basura ay itinatapon niya sa isang kaigihang hukay na ihinanda ng kaniyang amang si Amal sa balisbisan ng kanilang tahanan, kapagka ito’y napupuno na ng mga basura ay tinatabunan nang lupa at muling huhukay ang kaniyang ama.

Lumipas ang ilang araw, isang umaga’y magalang na nagpaalam si Yolak sa kaniyang ina. “Inang Ayel, mangunguha po ako ng kantuni sa dalampasigan at gagawin ko pong galang sa aking leeg, marami pong ipinadpad na kantuni ang mga alon noong lumipas na tag-habagat, at tuloy hihintayin ko po si ama Amal na nasa laot.” O sige pero huwag kang lulusong sa lawa at may sinyalis ang kabundukang lilitaw ang amihan, baka matulad ka sa mga kinukuha ng mga galit na kalikasan. “Ano pong galit na kalikasan?” may pagtatakang tanong ni Yolak.

Mula kasi nang pagtatapunan ng mga basura ang kalawaan ng mga taong tulad natin, nagalit na ang mga alon, ipoipo, uli-uli, bahaghari at iba pang kumukuha nang magagandang biyaya sa lawa at bundok. Kinukuha nila ang mga tao upang lunurin sa pusod ng lawa. Basta tandaan mo ang bilin ko at hindi ka pa bihasang lumangoy, doon mo antabayanan ang ama mo sa may batong malapad na pinagpapahingahan namin ng amang Amal mo kapag maalinsangan. Ang kaniyang ina. “Opo aking ina.” Gagap ni Yolak.

Habang sinusuyod ng mga paa ni Yolak ang dalampasigan para lumitaw ang mga kantuning natatabunan ng puting buhangin, isa-isa niyang ibinubuslo ito. Marami na siyang naisisilid na kantuni sa kaniyang takuyan ng may maulinig siyang tila isang tinig na dumaraing sa dako ng lawa. “Tulungan mo ako bata.” Hinanap niya ang naririnig na panaghoy at ng dumako ang kaniyang paningin sa gabewang na lalim ng lawa ay nakita niya ang isang isdang may pilaking kulay ang kaliskis, tumiyad siya’t dinunghal ang nagpapagibik na isda.

Sino ka ? tanong ni Yolak. “Ako si Ayungin, hindi ako makahinga, tulungan mo ako at ang iba ko pang kasamahan.” Paano kita matutulungan Ayungin? “Dalhin mo ako sa pusod ng lawa at doon ay may natitira pang bahagyang linaw, baka sakaling maibsan ang kinakalungkong kong karamdaman, kaya ako nagkakaganito’y hindi namin makayanang huminga sa ilalim ng lawa dahil sa mga yangkaw at libag na nagkalat sa paligid nito.”

Nalimot ni Yolak ang habilin ng kaniyang inang Ayel, lumusong siya sa lawa at pasalapsap na pinagsalikop ang dalawang palad upang kunin ang nagpapalahaw na Ayungin. Paano kita matutulungan, hindi pa ako bihasang lumangoy para dalhin ka sa pusod ng lawa? “Sutsutan mo si Amihan, siya lamang ang makatutulong sa iyo kapagka siya’y dumating ay magigising si Alon at himukin mong siya ang magdala sa iyo papuntang pusod ng lawa.”

Agad tumalima si Yolak sa nangangapos na anas ni Ayungin. Psssssssssssssst, psssssssssssssssst, hanging Amihannnnnn, kailangan ko ang tulong mo para hindi mamatay si Ayungin. Pumailanlang sa kabundukan ang tinig ni Yolak. Narinig ni Amihan sa kaniyang pinagtataguang bundok ang mahabang sutsot at panawagan ni Yolak, kaagad nag-inat at ibinuhos ni Amihan ang kaniyang lakas, namalaybay sa mga bikil at dalisdis ng kabundukan papunta sa dalampasigan ng Hugis Balaraw na Pulo. Unti-unting nagising si Alon. “Ano ‘yun kaibigang Amihan at ako ginising sa aking pagkahimbing?” kailangan ka ni Ayungin nag-aagaw buhay siya sa palad ng isang batang tumawag sa akin, dalhin mo sila sa pusod ng lawa upang makalanghap ng sariwang hangin at makasinghap si Ayungin.” Ang usal ni Amihan kay Alon.

“Sakay na Yolak at ihahatid ko kayo ni Ayungin sa pusod ng lawa.” Ang sambit ni Alon. Huwag na Yolak, sansala ni Ayungin. Nararamdaman kong wala nang itatagal ang hininga ko ihahambing ko na lamang sa iyo na ang aming pinaninigilang kalawaan ay sinalaula nang mga taong siyang nagpapalibag nito. Sumama ka na lamang kay Alon upang makita mo ang nangyayari sa aming tinitirahang lawa. At noon din ay binawian nang buhay ang kawawang si Ayungin. Napaiyak si Yolak nang higitin ni Ayungin ang kaniyang huling paghinga.

Hayaan mo na lamang si Ayungin sa lawa. Ang sambit ni Alon kay Yolak, ililibot na lamang kita sa buong paligid ng lawa upang makita mo ang sinasabi ni Ayungin. Nang sila’y dumating sa pusod ng lawa ay may sumasalubong sa kanilang maraming alon. Nagtakip si Yolak ng mata dahil sa natakot siyang matabunan nang malalaking alon. “Huwag po! huwag po! Hindi po ako katulad ng sinasabi ni inang Ayel na nagtatapon ng basura sa lawa.”

Huwag kang matakot Yolak, sila ang aking mga kapatid na alon, bagamat galit sila sa mga tulad mo ay mapapayapa ko rin sila. Mula kasi nang pagtutusukin ng mga tao ang anit ng lawa at bakuran nila ng mga kawayan ay hindi na namin nasasalpok at nahahalikan ang dalampasigan at batuhan upang mahilod at maging laging malinis, nababasag na kami kapagka sumasangga sa kanilang ibinakod, dagdag pa ang kanilang mga itinatapong mga basura. “Mga kapatid kong alon, kasama ko si Yolak sa kaniya natin isusuplong ang mga ginawa ng mga taong siyang dahilan kung bakit laging namumugto ang ating mata at bakit hindi na natin laging nayayakap ang dalampasigan.” Ang sigaw ni Alon sa dumating na daluyong ng mga kapatid niyang alon.

Ang mga ginawa ng taong nagtatapon ng mga basura sa kalawaan ang siyang nagiging sanhi upang lumabo ang lawa, dahilan upang hindi makita ng mga isda ang kanilang kinakain at tuloy nangangapos ang kanilang hiningang tulad ng nangyari kay Ayungin. Dagdag pa ang walang taros na paggalahid sa anit ng lawa ng mga pamalakayang kahit na maliliit na isda ay nahuhuli nila. Pagtatapos ni Alon. “Kawawa naman.” Pahabol ni Yolak.

Kasama nilang naglilibot sa paligid ng lawa ang mumunting anlog na nalilikha nang paggulong ni Alon. Bawat madaanan nilang pulutong na waterlili ay may nakikita si Yolak na ibong tigmamanukin at sa ibabaw nila’y nagliliparan ang mga payat na puting kanaway, nakamasid sa kanilang lagi ni Alon. Nang kaginsaginsa’y may lumitaw sa papawiring putol na balantukang bahaghari. Ayan na si Bahagharing Putol, ayan na si Bahagharing Putol, ang sigawan ng mga anlog. Galit si Bahagharing Putol at pinasisinag na pilit ang pinaghalong kulay ng kaniyang katawang pula, asul, berde, dilaw, orange at indigo at patudlang sinisilaw si Yolak. “Kukulapulan kita lahi ng tao ng aking namumusyaw na kulay upang ako’y makapaghiganti.” Huwag po Bahagharing Putol! Hindi po ako nagtatapon ng basura sa lawa. Takot na sambit ni Yolak.

Huwag kaibigang Bahaghari, siya si Yolak ang aming kaibigan. Saway ni Alon. “Galit ako sa tulad niyang tao.” Matalisik na bigkas ni Bahagharing Putol. “Sila ang dahilan kung bakit naputol ang aking magandang kulay, simula nang pagtatapunan nila ng mga basura ang lawa ay hindi na tumingkad na maganda ang aking kulay at tuluyang naputol.” Huwag po kayong magalaala Bahagharing Putol. Sasabihin ko po kay amang Amal at inang Ayel ang iyong isinumbong. Ang agaw na salita ni Yolak.

Patuloy ang paglalayag ni Yolak sa ibabaw ni Alon, nakikita niya ang mga nagkalat na dumi sa paligid ng lawa ng biglang humarang ang animo’y barenang mabilis na mabilis umikot. Muli, natakot na malabis si Yolak sa nakitang paghahalukay nang umiikot na tubig. Nahukay na malalim ang tubig na kinalalagyan nito, tumigil si Alon at sinaway ang humahalukay sa tubig. Huwag mong harangan ang aming daraanan kaibigang Uli-uli. “Hindi ikaw ang kailangan ko kaibigang Alon, iyang nakasakay sa ibabaw mo.” Galit si Uli-uli. Tulad din ng pakiusap ni Alon sa kaniyang mga kapatid na alon at kay Bahaghari. Napahinuhod niya si Uli-uling umalis sa kanilang daraanan.

Muli, patuloy ang pamamasyal nina Yolak at Alon sinusundan sila nina Bahagharing Putol at Uli-uli ng may makita silang isang dagim sa kalawakan, magkakasama ang mga hanging sina Habagat , Sabalas at Manuwid kabuntot ang mapamuksang si Buhawi, nararamdaman nina Yolak at Alon ang pagaspas nang mabubugso at salikwaang hangin.

Kaibigang Alon, ibigay mo sa amin ang batang iyan, galit kami sa mga katulad niyang tao. Ang humahaginit na sigaw ni Buhawi. “Huwag po! huwag po! ” Ang sigaw nang umiiyak na si Yolak. “Hindi po ako talaga nagtatapon ng basura sa lawa ng Anulag.” Huwag kang mabahala Yolak. Sabi ni Alon, tatawagin ko ang kanilang haring hangin para sila pigilin. “kaibigang Timugan ang hari ng mga hangin, sawayin mo sina Habagat, Sabalas at Manuwid, inuudyukan nilang kunin ni Buhawi ang kaibigan kong si Yolak.”

Agad namang narinig ni haring hanging Timugan ang tawag ni Alon. “Magsitigil kayo Manuwid, Habagat at Sabalas bumalik kayo sa dati ninyong mga puwesto at huwag ninyong pakialamang kunin ni Buhawi ang batang nakasakay kay Alon, batid ko ang hangarin nang mabait na bata at siya ang magiging landas upang ang kahirapang dinaranas nating pare-parehas ay makarating sa kinauukulan para malunasan. Yupapang sumunod sina Manuwid, Sabalas at Habagat sa kanilang haring Timugan sanhi upang mawala ring parang bula si Buhawi.

Katulad din ng mga kapatid na alon, Bahaghari at Uli-uli, sumama rin at ginabayan ng mga hanging sinaway ni haring Timugan sa paglilibot sina Alon at Yolak sa paligid ng lawa at Hugis Balaraw na Pulo. Tumingala si Yolak sa gawing kabundukan ng Hugis Balaraw na Pulo, may nakita siyang kawan ng mga ibong sa gawing kinalalagyan nila ni Alon patungo. Dumapo ang kawan sa mga buhay na batong nag-usli sa dunggot ng Hugis Balaraw na Pulo at isang lawin ang lumipad patungo sa kanila ni Alon.

“May pahatid na balita sina Tigmamanukin at Kanaway sa akin.” Ang kakak ni Lawin. “At bilang hari nila sa kabundukan, gusto ko ring anyayahan ang batang si Yolak para makita ang kalagayan ng kalahi kong mga ibon sa bundok naming pinamumugaran. Totoo ang sinasabi ni Yolak na hindi siya nagtatapon ng basura sa lawa ng Anulag dahil nakikita namin mula sa kalawakan ang kaniyang ginagawang paglilinis at pagtatapon na maayos ng basura sa hinukay na lupa. Isasama ko si Yolak sa dati naming paraiso para makita niya ito.” Sige kaibigang Alon, dalhin mo ako sa pampang ng dunggot at sasama ako kina Lawin sa kanilang dating paraiso. Atas ni Yolak kay Alon. May ngiting namaalam si Yolak sa kaniyang mga naging bagong kaibigan. Hayaan ninyo mga kaibigan ko, sasabihin ko kina ama Amal at inang Ayel ang nangyayari sa inyo.

Bagamat mga nanghihina ang langkay ng malalaking ibon, sa utos ni Lawin ay tulong-tulong nilang inilipad si Yolak sa kabundukan. Mula sa papawiri’y natatanaw ni Yolak ang pagkapanot ng bundok, ang animo’y mga palasong baklad at binakurang palaisdaang siyang sumusugat sa anit ng lawa. Bawat madaanan nilang maliliit na puno’y may pangilan-ngilang maliliit at payat na ibong bahaw ang paswitan. Nang siya’y ibaba sa isang malapad na bato sa sinasabing dati nilang paraiso’y nakita niya ang isdang si Ayungin na pinaghahati-hati sa maliliit na ibon. Nakapalibot kay Yolak ay mga hapis at halos hindi makagulapay na ibon, may mga maliliit na itlog na sa lungki na lamang ng mga bato iniiitlog ng mga namamagaspas na ibon. “Dahil sa kagagawan ng mga tao ay ganito na ang nagiging buhay naming mga ibon Yolak. ” Ang pagsusuplong ni Lawin. “Simula nang lapastanganin nila ang kabundukang pinaninigilan namin at pinamumugaran ay marami ng kalahi ko ang pumanaw nang wala sa panahon.”

Umiiyak sa kalungkutan ang batang si Yolak. ” Ang hiling lamang namin ay iparating mo sa mga kinauukulan ang nangyayari sa aming pamugaran tulad ng nangyayari sa lawa.” Basag na salita ni Lawin. Hanggang sa ipahatid si Yolak sa dalampasigan ng Hugis na Balaraw na Pulo ni Lawin ay walang tigil ang kaniyang pagluha, awang-awa siya sa sinapit ng mga ibon.

Kapuwa nasa laot sina Ayel at Amal nang siya’y dumating sa malapad na bato. Alalang alala ang kaniyang mga magulang dahil sa kahahanap sa kaniya, nasungyawan nang saya ang kanilang mukha ng makita nila si Yolak na dala-dala ang takuyang nangangalahati ang lamang kantuni.”Saan ka galing anak?” Sunod-sunod na tanong ng kaniyang magulang. Doon po sa pusod ng lawa at sa taluktok ng bundok, isinama po ako ng aking kaibigang alon sa palibot ng lawa at kaibigang Lawin sa kabundukan. Marami po silang isinuplong. Nagkatinginan ang mag-asawang Amal at Ayel.

Muli, malapit nang matulog si Yolak. Gusto niyang ikuwento ng kaniyang ama at ina ang dahilan ng unti-unting paglibag ng lawa at pagkapanot ng bundok, hindi siya matutulog kaagad hangga’t hindi niya nalalaman ang sanhi ng pagkasalanta ng dating kwento ng kaniyang ama at ina na ubod na linaw na lawa, maraming lumalangoy na isda, malalabay at malalaking punong kahoy, mga naglangkawas na bulaklak ng halaman sa kaparangan ng Hugis Balaraw na Pulo na nasa gitna ng lawa ng Anulag.

“Balang araw anak, tuturuan kitang lumangoy nang mahabang paglangoy upang masisid mo ang malikot na agos sa ilalim ng lawa at tuturuan kitang umahon sa matayog na bundok upang matutuhang maakyat ang pinakamalamig na bahagi nito. Kayong kabataan ang gagamot sa sugat ng lawa at kabundukan , kayong kabataan ang sasawata sa maling ginagawa ng mga taong walang pagmamahal sa kalikasan, hindi pa huli ang lahat. May pag-asa pa at nasa sa inyo ang huling pag-asa.” Wakas. Agosto 14, 2005, Pulo ng Talim Sitio Banaba, Bgy. Rayap, Binangonan Rizal.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: