Ilang Sawi(kain)
Hunyo 27, 2011
Kayraming habilin lipas-nakaraan
Sa baog na isip ay nangagsalisaw,
Daliri ng paa’t sa ‘king dal’wang kamay;
Hindi magkasiya’t malaki ang kulang.
Himagas na wika’y may koronang putong:
”Ang mahabang baro’y dapat na maputol,
Kung maikli naman dapat na magdugtong.”
Mga sawikain ng ating kahapon.
Mga kawikaang dapat na bigkisin–
Tulad pag nagluto ay dapat alamin;
Kung may nakahandang panahog na asin
At kung wala nama’y saluha magdildil.
H’wag daw hahasain ang purol ng dila
Sa ganyak salita’t pangahas na wika,
Dahil pag lumigwak at nagkabisala;
Sa Diyos at tao ay kahiya-hiya.
H’wag ding hahamakin ang isang basahan,
Dahil may panahong ito’y kailangan;
Kumbaga ay isang masamang tinapay
Lahat kinakain kung magkaibigan.
Sapagkat ang isip ay hawig sa itak,
Hasa ka nang hasa’y lipos tumatalas;
Ngunit tandaan ding kahit anong talas
May batong katapat na labis ang tigas.
Merong umiiwas masugba sa baga,
Ngunit sa maalab na apoy napunta.
Parang pag-iiwas sa isang sakuna,
Napaghahandaan ito nang maaga.
Kung kayo ay dukha subalit kaytamis,
Langit, lupa, dagat, ay inyong kapatid;
At sa buong mundo ay walang kagalit
Apoy mang hawaka’y wala itong init.
Maging batong buhay na sakdal sa tigas,
Kahit anong lakas ay hindi mabasag;
Subuking sa ulan na sadyang alamat–
Sa tikatik-amp’yas tiyak maaagnas.
Hawig sa naglako ng isang panindang
Labis pagkatabang may pait pang lasa,
Ngunit kung may tamis ang pag-aanyaya’y
Sinong di titikim sa panindang dala.
Buti pa’ng asawang ni walang paggiliw,
Kaysa sa asawang mapanibughuin,
Dahil panibugho’y lason ang kasiping
Na kapag lumabis pupuntaha’y libing.
Hindi ba’t ang wika’y: Ang katotohanan,
Itago’t ilibing sa lalim ng hukay;
Tabunan man ito ng lihim mong taglay
Pilit na lilitaw pagdating ng araw.
Iyan ay ilan lang sawikaing bigkas
Ng mga ninunong siyang nangag-ingat,
Ngayo’y masigabong aking tinutuklas;
At sa panulaa’y galak mai-ambag.


Bagong Puna