Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 18, 2008

Parabula

Laki ako sa nuno at tinuruan ng may malaking pananalig at pananampalataya sa Poong Maykapal. May takot sa mga maling gawa at may paggalang sa mga nakatatanda. At lumaki rin akong tinuruang maging matapang na lumaban higit pag nasa katuwiran. At marami din akong naulinig na magagandang aral ni ama at ni lelong. Ang hindi mawaglit at maalis sa kintal ng isipan ko’y ang tungayaw ni ama na: “Wala sa lahi natin ang iyakin.” May kabuntot pa iyon pag nakita kang nang-umit nang kahit anong bagay. Ma prutas o ma pera, lagi niyang pangaral ay: ”Huwag na huwag mong gagawin ang mang-umit o magnakaw dahil ikaw ay pinalaki ko’t iginapang sa tulo ng aking pawis.”

Matagal nang panahon ang lumipas, marami ng agos ang humilod sa batuhan ng wawa at marami na ring nilumot na gunita ang nayakap sa mga palipod ng nakaraan. Ang tag-ulan at tag-init ay lumilipas nang hindi namamalayan, ang pamumulaklak ng talahib, ang pagsuba ng tubig at ang paghupa. Waring dumadaan lamang ito ng di naaalimaymayan.

Ang aking lelang ay sobra ang pagiging katoliko at siya rin ang siyang nagsisilbing hilot sa aming munting baryo. Walang batang isinilang sa aming nayon na hindi siya ang nagpalabas ng inunan. Paladasal ang lelang ko. Sa pagtugtog ng orasyon ay isa-isa na kaming mga apo niyang pinahihilera sa harap ng aming altar para magdasal. Ang aming dinadasal noon ay iyong “Bendito Alabado.” Isang dasal na Latino na kahit di namin wari ang ibig sabihin nito’y lubos ang aming respeto at pag-galang. Sa mga padasal ay laging si lelang ang nahuhuran. Sa dasal ng patay, pabasa, pasiyam at ang pamumuno sa maramihang panalangin sa simbahan. Walang Kura Paroko sa aming nayon pati na sa mga paghingi ng ulan sa mahal na patron ay siya ang namumuno sa mga dasal, ang lutrina. Minsan ko rin siyang narinig na dumalit ng mga lumang awitin, awiting kumintang,awit na pandigma, dalit na ihiman, ito’y awit sa pagtataling puso at ang awit na kutangkutang ito’y awit naman sa pagpapatawa. Si ama nama’y purong mangingisda. Sa lawa na siya lumaki at dito na rin pinaligiran ng alipunga ang buong paa at kamay. Walang palakayang hindi nahipo ang ama ko lawa ng Laguna na siya rin niyang tinubuan.

Tanda ko pa noon at nakakasama rin niya akong palagi sa pamamalakaya. Meron kaming sikit, isang palakaya na ang hinuhuli ay mga biya, kinukuha namin yung pinakamaliliit at iyong malalaki ay aming pinawawalan, ipinamamain namin sa palakayang kitang ang maliliit na biya na ang hinuhuli naman nito ay ang malalaking dalag at kanduli. Meron din kaming sakag, salap, pang-galay, bumbon, palagay o takilisan at panloob. Sinasalitan din ni itay ng pamamarukot ng susong buwili ang aming pamamalakaya dahil sa may alaga din kaming seho noon. Ulirang ama si ama at di ko siya nakitang nagbisyo ng babae, alak pero meron siyang huwego, ang tirembe at ang lucky nine. Minsan nga napanood ko siya noon sa bayan na nagtitirembe at nanalo siya kaya marami kaming pasalubong sa pag-uwi namin.
Kami namang mga bata ay umiikot ang buhay sa lawa at gubat,nangangahoy ako ng panggatong, umiingkat sa tagiliran ng Susong Dalaga at minsa’y nangangapa ng isda, minsan ding naghuhuntahan kaming magbabarkada ng mga pangarap, naglalaro kami ng mga larong pamana pa ng mga ninuno sa tinitigilang nayon at nanonood ng mga kinagigiliwang kultura at tradisyon na ginaganap sa pinaninigilang komunidad kapag may mga ginaganap na okasyon.

Minsan di’y naisasama sa kabayanan para dumalaw sa mga kamag-anak na nakipamuhay sa kanugnog bayan, nagsisimba, nakikipamista at nanonood ng mga sarsuwela at iba pang panooring nakalilibang.

Dumating ang isang panahon para lisanin ang sariling nayon. Malakas ang hatak at kaway ng kabayanan dahil na rin sa haplit at dagok ng kadahulapan o kahirapan ng buhay. Inilagak ako ni itay sa isa kong amaing may talyer. Naging kawaksi niya ako sa lahat nang maruruming trabaho tulad ng pagiging latero, mekaniko ngunit marangal. Mahirap na pagsubok ang dinanas ko para lamang matuto sa hangaring makaimbaw sa hagupit ng kahirapan.

Sumisigaw ang luho at pangungundiman ng kabayanan at minsang nasamang maglimayon sa gabi sanhi upang marahuyo sa ganda at kintab ng mga dagitab ng kabayanan, sanhi rin upang unti-unting panamlayan ng mga takdang gawaing dapat ay natatapos sa oras. Pina-uwi ako ni itay sa sumbong na rin ng aking amain na ako’y nasasamang maglimayon gabi-gabi sa kanugnog lugar ng kaniyang talyer.

Balik isla ako. Naging taga-gaod o manunudlong sa lunday ni ama, naging taga-pamewang sa sikit, ulani’t-arawin sa gitna ng laot, naranasan kong paligiran sa buong katawan ng buni at alipunga. Umiyak ako minsan kay ama. Muli, narinig kong pangalawa ang kaniyang tila makapangyarihang tinig. ”Walang iyakin
sa lahi natin.” Hindi ko po yata kaya ama! Hindi ko na kaya ama! Ang mahina kong wika kay ama. “Dito ka sa lawa kaysa mapasama ang buhay mo sa kabayanan.” May imbulog ang tinig ni ama. Labag man sa kalooban ko’y walang nagawa kundi ang sumunod sa kaniya.

Awa ang nakikita kong ipinupukol sa akin ng aking lelang at iba ko pang kapatid. Ngunit sa isipan ko ay naroon pa rin ang isang pangarap. Nakita ko at naranasan. Si lelong, matagal nang panahong nakagapos ng kadena ng kahirapan sa lawa, si ama, naging tagapagmana ni lelong sa kaniyang pagkagapos ng tanikala sa kahirapan ng lawa. At ngayon, ako, ako rin ang mag-aangkas sa aking pagkatao ng mga daluyong at sigwada ng kahirapan ng lawa. “A, hindi!” Mariin ko at tiim bagang na tanggi. Lalo kong pina-igting ang aking pangarap, maglalagalag ako, ayokong ako ang magmana ng kadena at tanikala ng kahirapan nina lelong at ama.

Maalimbukay noon ang mga haginit ng habagat at nirurumbo ng alon ang dunggot sa may Habagatan. Nakisakay ako sa isang bangka papuntang ibayo at kanugnog na lugar naming Laguna. Paalam ko kay lelang ay magpapagupit ako sa isa kong amain sa Rayap. Baon ko’y isang pantalon,isang polo, isang jacket, isang chaku at bente sentimos. Humantong ako sa isang pantalan ng barko sa North Harbor at sumakay sa barkong Kolambogan patungong kabisayaan at kamindanawan. Maraming karanasang humaplos sa aking pagiging lagalag hanggang mapadpad sa lupain ng Lupang Pangako, sa Mindanaw. Natirang pansamantala sa isang kababayan at natutong makisama sa iba’t-ibang klase ng tao. Dumanas ng di mabilang na salungahin sa murang edad. Naging Punggok na Sanggano sa lansangan at bahay aliwan at nang mawanted sa Agusan River sa Butuan City ay nagtungo sa Surigao kasama ang dalawang barkada, nagtago sa mga sinehan ng Davao at ang huling pinuntahan ay ang malayong Dadiangas. Subalit likas ang pananalig sa Poong Maykapal kaya naiwasang lahat ang alok ng kapariwaraan ng buhay.

Umuwi ng Luson sa dahilang balita ang lupit ng hagupit ng bagyong Dading na puminsala sa malaking bahagi ng Luson. Nagulat ang dinatnang mga kaanak dahil sa loob ng dalawang taong pagkawala ay inasahan na nilang ako’y nilamon na ng lupa. Naging hamong muli sa akin ang mga dumaang karanasan, sanhi upang gumawa ng isang hakbangin upang itanan ang isang babaing taga U.P na lahi buhat sa Alabang. Nakasal na ubod ng hirap. Katunayan ay ambag lahat ang ginasta at handa sa aking kasal na ipinanlimos sa aming mga kamag-anak ng aking ama at wala kaming de-letong larawan noong kami’y ikasal.

Hulyo 12, 1972, Napasok bilang manggagawa sa Pamantasan ng Pilipinas, at dito’y nakilala ang aking katangiang natutuhan sa buhay paglalagalag. Ang pagkumpuni ng mga sirang sasakyan. Naging gabay ko ang mga taong nagtulong-tulong para ako mapasok sa trabaho. Nakipaniya at napasama sa mga basal na aktibista ng UP. Papaputok noon ang FQS o iyong tinatawag na Unang Sigwada ng Pakikibaka sa U.P. Hunyo 23, 1972, isinilang ang anak kong panganay. Bumabagyo noon at wala akong ipon dahil wala pang trabaho. Nalusutan ko ang mga unang pagsubok na iyon sa buhay ko at nang mga sumunod na panganganak ng asawa ko ay medyo maalwan na dahil sa may regular na akong trabaho at may kaunti akong sideline dahil nagtayo ako ng talyer na gumagawa ng mga sasakyan.

Marami ding sinuong na hagupit ng pagsubok at lahat ay nalampasan, una’y ang Maykapal at pangalawa’y ang determinasyon ng pagpupunyagi. Naging kasawiling eskultor ni Pambansang Alagad ng Sining sa Eskulturang si Napoleon V. Abueva. Nakapundar ng mga ilang gamit at nang lumao’y hinigop na rin ng anyaya na maglingkod sa pamayanang pinaninigilan. At habang lumalaon ay kinakitaan nang lubos na kasiyahan sa paglilingkod. Lumahok at nahalal sa pamunuan ng mga lider manggagawa sa Pamantasan ng Pilipinas, at iba pang mahahalagang komite na may kaugnayan sa kapakanan ng mga manggagawa. Hanggang sa mabiyayaan ng isang di-malilimutang usapin na nakarating sa kataas-taasang hukuman. Ito’y biyaya ng mga makatotohanang pagganap sa tungkulin sa pamayanan at ng magdisisyon ang Korte Suprema ay sa akin pumabor. Ito’y inabot nang limang taon sa Korte Suprema.

Taong 1995, panahon ng Semana Santa umuwi ako sa sinilangang nayon, ang Tabon. Mahilig na ako noon sa panitikan at arte, habang kinukuhaan ko ng larawan ang mga gusto kong tanawin sa nayon ay may naulinig akong pasigaw na nag-uutos ng: “Sulong sa kalbaryo, Hatawin ang magnanakaw ng mamali at kawayan!” Nang sundan ko ng tingin ang pinanggalingan nito ay tumambad sa akin ang ilang pulutong ng mga kalalakihan na may mga sari-saring kasuotan na ang hula ko’y ginagaya ang pagpasan ng Kurus ng Panginoong Hesus. Tinawag ko ang pansin nang umaaktong Hesus at panakaw kong pinitikan ng aking dalang kamera ang buong grupo na panay kalalakiha’t ibat-ibang makukulay nilang kasuotan.

Nagpatuloy sila sa kanilang pag-arte ng akala mo ay isang makatotohanang tagpo noong hinihila at pasan ni Hesus ang Kurus papuntang kalbaryo. Naroon sa isip ko ang kanilang mga inuusal at alam kong panay mali ang kanilang binibigkas. Sa totoo lang, may sumungaw na lungkot sa aking puso dahil iba ang mga katagang binibigkas ng matatapang at animo’y mga totoong hudyo na humahagupit sa gumaganap na Hesus. ”Sulong sa kalbaryo! Hatawin ang magnanakaw ng mamali at kawayan! Sulong ka Hesus sa Iyong pagpapakuan at doon ay magsayaw ka ng El Bimbo.” Mga katagang sa isang katulad kong may pananalig at pananampalataya sa kinagisnang relihiyon ay ubod ng sakit. Di man lumatay sa aking katawan ang kanilang sinasabi ay umuukilkil sa balintataw ng aking pagkatao na mali ang kanilang ginagawa. Nakita ko rin na lahat nang gumaganap sa nasabing sarsuwela ay purong mga katoliko. Di ko maatim na sa aking sinilangang nayon ay may mga ganoong tagpo akong nasaksihan, lalo at panahong Semana Santa. Masakit sa tenga ang mga narinig kong mga tungayaw sa mga taong iyon sa ating Panginoong Hesukristo.

Hinintay kong matapos ang “Pinitensiya” ng nasabing grupo at kinausap ko ang alam kong namumuno dito na si Francisco Aragones. ”Igan, magandang tanghali.” At tumugon naman siya ng magandang tanghali naman. Napakaganda nang inyong ginagawa at gusto kong maging katanggap-tanggap sa kaniya ang aking sasabihin. Gusto kong mahuli ang kaniyang kiliti para sa isang magandang balakin. ”Mas gaganda siguro ang ginagawa ninyo kung maisasa-ayos pa nang bahagya at may hawig sa makatotohanang tagpo nang ang ating Panginoong Hesus ay magsakripisyo at tumubos sa kasalanan ng sanlibutan”. Matalim ang tingin sa akin ng nasabing kahunta ko. ”Papaano?” Ganting tugon sa akin. Nahuli ko ang kiliti at may isang ngiting sumungaw sa aking mga labi.

Inilatag ko sa kaniya ang isang preparado ng balangkas na alam na alam kong akmang-akma sa ginagawa nila. ”Isasabuhay natin ang Labing-apat na Estasiyon ng Kurus.” Marami siyang katanungan at maayos kong naipaliwanag sa kaniya ang gusto kong gawin.

Magsisimula tayo ng alas siyete ng umaga at ang una nating gagawin ay ang pagdakip kay Kristo Hesus, ito’y ihaharap natin kay Pilato upang hatulan sa mga akusa sa Kaniya ng mga taong di naniniwala sa Kaniyang mga ginawa. Detalyado at komprehensibo ang mga ginawa kong pagpaplano ultimo oras, kaninong tapat ng bahay gaganapin ang mga estasiyon, ang mga gaganap na karakter. Kani-kaniyang angka ng mga karakter ang mga taong nakikinig sa mga ipinaliwanag ko. Humilab ang umpukang pinanimulan namin ng taong kinausap kong si Francisco A. Aragones isang Kagawad ng barangay namin.

Kalagitnaan ng taong 1995. Agosto noon, pinulong ko ang nasabing grupo at muli kong inilatag nang buong-buo ang isang kulturang iluluwal sa unang pagkakataon sa aming sinilangang nayon, lahat nang naroon sa kapulungan ay masidhi ang pagsang-ayon sa aming gagawin at ang naging pinakatampok naming gagawin ay ang pagbibigti ni Hudas. Nagpaskel kami ng mga poster sa aming dalawang nayon upang ipaalam sa mga tao na mayroon kaming gagawing senakulo na ang tema ay ang Labing-apat na Estasiyon ng Kurus. May mga imbitasyon pa kami na kahit sino ay puwedeng sumali sa aming gagawing senakulo maging ito man ay lalake o babae na may pagmamahal sa kulturang Pilipino.

Naging makatotohanan ang aming ginawang pagsasabuhay ng Labing-apat na Estasiyon ng Kurus noong taong 1996. Kahit walang babaing gumanap ay naging isang ganap na tagumpay. Si Kagawad Alfredo C. Funelas ang gumanap na Birheng Mariya na binihisan lamang namin ng damit pambabae at dinumog din ng mga tao ang aming pinakatampok na pagbibigti ni Hudas at ito’y ginampanan ni Kagawad Alex L. Aragoncillo. Nakalikom din kami ng sapat na pondo para sa susunod pang pagsasadula ng nasabing kultura,may mga tauhan din kaming nanghihingi ng konting donasyon sa mga bahay-bahay na aming nasusuyod sa pag-ikot. At bilang ako ang tumatayong direktor ng tanghalan, kinuha ko ang mga reaksiyon ng mga ilang taong nakapanood nang ginawa namin. Narito ang mga naulinig ko sa kanila: ”Anak,huwag mong pagsasawaan ang sinimulan mo at mas napapalapit sa Panginoong Diyos ang mga kabataang makakapanood nang ginagawa ninyo.” ”Maganda parang tunay lalo na ang pagpalo sa Hesus.” Maraming namutawing magagandang papuri sa mga kinunan ko ng reaksiyon,at mayroon ding mga nagtataas ng kilay na may parunggit na baka daw pulitika lamang ang dulo ng aking ginagawa. May mapapala ba daw ba silang pera sa pinagkaka-abalahan namin.

Normal na sa ating Pilipino ang ganoon, may nakagugusto at mayroon ding aayaw. Siguro di pa nila batid ang mga kultura natin lalo na at tayo dito sa isla ay halos naiwan na at nangalusaw na ang mga kinagisnang kultura.

Nang dumating ang ikadalawang-taon, kumpleto na ang samahan sa lahat nang pangangailangan mula sa kasuutan hanggang sa gagamiting perang panggastos. Ito’y tinawag naming Samahang Pang-mahal Na Araw na dumaan sa proseso ng ilang pagpupulong at may mga inihalal na ring mamumuno dito. May mga babae na ring sumali na mga asa-asawa ng mga taga nayon. Nagpundar na rin ang grupo ng mga gagamiting damit, sibat at kung ano-ano pang kailangang gamit sa aming itinatag na kulturang senakulo. Ang dating labinlima kataong grupo ay umabot na sa mahigit tatlumpung kasapi ng samahan.

Naging mas higit ang makatotohanang pagganap ang mga sumunod na taon, dangan nga ay kumpleto na kami ng mga karakter na gaganap meron na kaming mga babaing artista. At dahil na rin sa maayos na pamamahala at sama-samang pagtutulungan, may mga ibang barangay na humiling sa amin na sa kanilang barangay namin gawin ang ibang estasyon. At muli, pinagpulungan ng kasapian ang mga kahilingan. Lahat ay sumang-ayon sa mga inilahad na programa ng direktor. Dadalhin namin sa mga kanugnog barangay ang aming samahan. Mula sa aming nayon ng Tabon, umabot ang aming simula sa sityo Banaba sa barangay Rayap. Taong 1998 noon, nanalisod ang aming mga malaluyang mga paa sa batuhan ng sityo Banaba at doon ginanap ang paghuli kay Hesus upang iharap kay Pilato at sa barangay Rayap ilalakad upang hatulan. Habagatan ang sumunod na estasyon pabalik sa Binitagan pauwi ng aming nayong Tabon. Doon naman ginaganap ang ibang estasyon at ang pinakatampok ay ang pagsaksak ni Longhino kay Hesus sa dibdib. Halos mapuno nang tao ang lugar na pinagdarausan namin ng senakulong gala, mas marami ang mga bata. Dahil sa ito lamang palabas naming senakulo ang napapanood sa aming lugar tuwing Mahal na Araw. Hugos ang mga taga ibang barangay para manood at kita naming may mga umiiyak na matanda kapag hinahampas ang Hesus , pag ipinapako at noong ituray ang Kurus at ibayubay si Hesus. May mga natatakot na bata at meron ding mga di pa matanggap ang ganoong panoorin na ipinagkikibit balikat ang aming kulturang ginagawa.

Bawat dantayan ng aming mga sakong na barangay ay lagi ng may mga palakpak at babalik kaming naririnig. Bata at matanda ay siyang-siya sa aming itinanghal. Merong mga matandang humahagulgol pag-iyak lalo na pag hinahataw nang ubod lakas ang gumaganap na Hesus. May mga maririnig ka pang: “Kayo po’y babalik sa isang taon!”

Ang taong 2000 ang masasabing pinakamakasaysayan dahil nailapit ko sa kinuukulan ang aming samahan bilang isang grupo na kikilalahing “Cultural Group”sa isla ng Talim kung saan ay isang bagay na dapat ipagmalaki. Ito siguro ang kauna-unahang grupo na gumagampan sa isang kulturang pinasibol namin sa isla ng Talim. Ito’y nahapyaw at naisama sa isang presentasyon sa kapitolyo ng lalawigang Rizal bilang sumilang na kulturang grupo at ang nagtala nito ay ang “Grupo Rizal.” Isang grupo ng mga estudyante sa Pamantasan ng Pilipinas na pinangungunahan ni Bb. Gertie Sison na nagkataong isang hepe sa Economic Planning sa lalawigan ng Rizal. Naitala nila ito at balaking suportahan at tuloy himukin ang mga dadayong turista na puntahan at panoorin ang nasabing sumilang na kultura sa isla ng Talim. Ito’y isang daan na rin sa mga pagsusulong ng isang eco-tourism na siyang nakahandang plano para sa isla ng Talim. At lahat na ito’y inilahad ko sa kapulungan ng aming samahan. Walang hindi nasiyahan sa isang napakagandang balakin.

Lumawak at sumasal ang mga lugar na pinagdarausan ng aming senakulo nang sumunod na mga taon. Nakarating kami sa barangay Tuna sa bayan ng Cardona at doon kami nagsimula at ginanap ang pagdakip kay Hesus at sa barangay Balibago naman siya hinatulan ni Pilato. Higit ang naani naming masisigabong palakpakan sa nabanggit na barangay at muling sa aming barangay Tabon nagwawakas ang okasyon. Dagsa dito ang mga taong manonood at ito’y kanila nang pinaghandaang panoorin kung saan tampok na muli ang pagbibigti ni Hudas.

Sa taong ito pinalitan ni G. Mario ”Toto” Lerona ang orihinal na Hudas na si G. Alex L. Aragoncillo sa dahilang sumobra sa laki o taba ang orihinal na Hudas at sa taon ding ito binalak na gawing isang kooperatiba ang aming samahan. Ang himok ko sa kanila ay sila ang magpasimunong gumawa ng mga paraan para ito’y maitala sa ahensiya ng pamahalaan bilang isang lehitimong samahan para maging isang kooperatiba. Hindi ito nagtagumpay dahil na rin sa kakulangan ng karanasan ng mga naatangang mamahala.

Malungkot ang sumunod na taong 2001 sa dahilang nabawasan ng mga nagsisiganap na artista pero nadagdagang muli ang mga barangay na aming pinagtanghalan. Nakarating kami sa unang pagkakataon sa mga barangay ng Malakaban, Pinagdilawan at Ginoong Sanay sa bayan ng Binangonan at may mga balikbayan na ditong sa amin ay nanood, may mga estudyante ng University of Sto Tomas na sa bandang huli ay napag-alaman kong sila pala ay nagtatala ng aming ginagawa para sa kanilang pag-aaral sa ating lugar sa isla ng Talim. Si G. Fred “Pogi” Mesa ang gumanap na Hudas ng taong ito dahil si G. Mario Lerona ay dinapuan ng sakit. Higit na matagal ang ginawang pagbibigti dahilan na rin sa kagustuhan ng mga manonood na buhat pa sa ibang bansa. Malungkot din ang taong ito dahil sa ang gumaganap na Hesus na si G. Benjamin O. Antiporda ay dinapuan din ng isang karamdamang pagkahapo.

Ang sumunod na taong 2002 ay may kalumbayan dahil tuluyang naratay ang aming Hesus sa banig ng karamdaman at napagpulungang wala munang senakulo ngayong taon dahil walang pumalit o humalili sa aming Hesus. Marami ang naghintay, umasa, at ako’y nalungkot dahil sa loob ng anim (6) na taong pagtatanghal na sa bawat pagtatanghal ay wala akong tigil sa paghihikayat doon sa mga bagong sibol na kabataan o kahit na sa sino mang gustong lumahok at sumali sa grupo para maging isang taga-ganap sa nasabing kultura na pinayabong ng anim na taong singkad ng mga namahala dito ay walang tumugon.

Ako’y bigo, walang sumulpot para sa panawagang mahalaga sa ginawa naming isang kultura na sila ang tagapagmana kung sakaling ang aming mga araw ay kumiling, kung hindi na namin kaya ang mga pagganap dahil banaag kong ang ang iba naming kasamahan ay kumikislot-kislot na ang mga tibanlos at pantalya ng kanilang katandaan. Ako’y nanghihinayang dahil sa anim na taong pananalisod at paggalugad sa batuhan, parangan, dalisdis, bikilang bundok, mga lungki at lambakin sa pinagtanghalan naming hugis balaraw na isla ay wala kaming natinag na determinasyon ng paglahok at pagpupunyagi sa mga bagong sibol na kabataan. Sana sa mga susunod na mga dadaang panahon, dalangin ko’y may isang tulad ko na magpapatuloy ng aking sinimulang nakandadong kultura.

May isa sanang taga nayon na magkaroon ng lente ang kaniyang mga buntala at tunguhin ang kislap at dagitab ng pagpupursige na nagtataglay ng kaalaman sa larangan ng arte at panitikan at bilang pangako ko, sa kanya ko ihahabiling lahat ang mga naitala ko’t ginawang dokumento sa loob ng anim na taong pamamahala. Ibibigay ko sa kaniya at ipaaalam ang aking naipon.

At doon sa mga umaasang muling mabubuhay ang parang bulang naglahong kultura, manalanging sana’y meron pang sumilang na hahalili sa mga namaos at namanglaw na tinig, sana’y ang mga aging-ing ng pamalo at panghataw ni Hesus ay muling umalingawngaw sa buong dalisdis at kapatagang bahagi ng kanayunan sa isla ng Talim partikular sa ating sinilangang makasaysayang nayon ng Tabon.

R A U L F U N I L A S Hulyo 31,2002

Noong Biyernes Santo ng taong 2003, ganap na ika tatlo ng hapon (3nh) sumakabilang buhay ang aming hesus na si G. Benjamin O. Antiporda sa sakit niyang pagkahapo. Ang oras at araw kung saan namatay din ang tunay na Hesus. Maraming nanghinayang dahil tuluyan nang namatay ang isang kulturang aming ginawa ng taos sa aming puso. Walang sumirit na galing, walang umasta man lamang na humalili sa aming namayapang Hesus. Malaki ang aking panghihinayang dahil hindi lang iisang hinagpis at pagdurusa ng kung ilang yao’t ito ang ginugol ko para maitayo ang naturang kultura sa aming nayon at higit sa lahat sa aming mahal na hugis balaraw na pulo, ang isla ng Talim.

Bilang pasasalamat at isang parangal na rin sa aming yumaong Hesus, aking ikinuha ng isang tropeo sa palasyo ng Malakanyang si Benjamin O. Antiporda at ito’y ini-abot ko sa kaniyang naiwang pamilya na lahat ay umiiyak sa kaligayahan nang kanilang tanggapin ang nasabing tropeo. Makikita sa kanilang mga mata ang dumadalisdis na mga bubog ng kanilang luha. Lubos silang nagpapasalamat at kahit na namatay ang kanilang “amang si hesus” ay may isang karangalang tinamo ang kaniyang paghihirap upang magampanan ang ipinatong sa kaniyang katungkulang gumanap bilang Hesus ng senakulong gala sa Bgy. Tabon, Binangonan, Rizal.

MGA KASAPI NG SAMAHANG PANGMAHAL NA ARAW

Barangay Tabon, Pulo ng Talim, Binangonan,Rizal

Pangalan gumanap Bilang Taon

Benjamin O. Antiporda Hesus 1996-2001
Francisco A. Aragones Pilato 1996-2001
Alex L. Aragoncillo Hudas 1996-1999
Virgilio A. Aragones Kawal 1996-2000
Crispin A. Aragoncillo Dimas 1997
Fernando B. Aprecio Hestas 1996
Gualberto T. Bolado Zebedeo 1997
Mario P. Bolado Kawal 1996-2001
Eliseo DP Alcantara Kawal 1996-2001
Tranquilino A. Cenina Kawal 1996-2001
Reynold M. Cenina Kawal 1997-2001
Eliseo B. Cerda Magbubuwis 1996-2001
Ruperta P. De Leon BNH/Veronica 1997-2001
Milagros C. Landrito BNH 1997-2001
Rolando P. Lerona Magtitinda ng alak 1996-1998
Mario A. Lerona MNA/Hudas 1999-2000
Ronaldo S. Mira Kawal 1997-2000
Florentino S. Mira Simon 1999-2000
Emiliano “Fred Pogi” M. Mesa Hestas 1997-2001
Dominador Mendoza Kawal 1996-2001
Jovita F. Lerona BNH 1997-1999
Joel O. Mancera Kawal 1997-2001
Jaime “Mokay”E. Olinares Kawal 1997-1999
Ambrosio A. Oliva Longhino 1996-2001
Roman L. Olinares Dimas 1997-2001
Facundo A. Oliva (sln) Malko 1996-1999
Teodora B. Olinares BNH 1998
Rebecca F. Lerona (sln) BNH 1998
Merle L. Mesa Veronica/Maria 1998-1999
Perla Redondo Birheng Maria 1997-1998
Ricardo C. Reves (sln) Anas 1996-2001
Alfredo C. Funelas Caipas 1996-2001
Reynaldo M. Lerona Herodes 1996-2001
Petronila O. Perez BNH 1997-1999
Elsie F. Redondo BNH/Birhen 1997-2001
Nilo Ruiz Simon 1996-1998
Teofila M. Martin Veronica 2001
Raul “Tata” Funilas Direktor/Founder 1996-2001
Mga naging pamunuan:

Taong 1996-1998

Pangulo Alex L. Aragoncillo
Pangalawang Pangulo Francisco A. Aragones
Kalihim Perla Redondo
Ingat-Yaman Reynaldo M. Lerona
Taga-ingat ng Gamit Eliseo DP Alcantara
Tagapag-ugnay Joel O. Mancera
Direktor sa Tanghalan Kiko Amorsolo a.k.a. Raul “Tata” Funilas

Taong 1999-2001
Pangulo Romulo Q. Lerona
Pangalawang Pangulo Francisco A. Aragones
Kalihim Ricardo C. Reves
Ingat-Yaman Reynaldo M. Lerona
Taga-Ingat ng Gamit Eliseo DP Alcantara
Tagapag-ugnay Joel O. Mancera
Tagasuri Ruperta P. De Leon
Direktor sa Tanghalan Raul “Tata” Funilas

About these ads

Responses

  1. hinde dapat matigil ang kulturang umusbong na AT NAPAGYAMAN NA!!

    SA AKING PALAGAY MARAMI PA ANG MAY ANGKING GALING O TALENTO HINDE LANG SA NAYON NG TABON,KUNDI SA IBANG NAYON DIN NG ISLA TALIM.

    PASALAMAT TAYO AT MAY ISANG TAO NA KATULAD NI TATA FUNILAS NA IBINUHOS ANG ANGKING GAling sa paghubog sa talento at pagmamahal sa kanyang lupang tinubuan.mabuhay kayo dyan !!

    serge’51


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: